Blangko pa rin ang mga awtoridad sa posibleng motibo sa pagbaril sa isang security guard sa Calamba City, Laguna noong Miyerkules, February 18.
Nagpapagaling na sa isang pribadong ospital sa nasabing lungsod ang biktima na kinilalang si alyas "Danilo," 55 anyos at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Banlic, Calamba City, Laguna.
Sa paunang ulat ng Calamba City Police Station, naganap ang nasabing insidente bandang 12:55 ng madaling-araw ng Miyerkules malapit sa warehouse na pinagtatrabahuhan ng biktima sa Barangay Banlic.
Nakatapos na umano ng kanyang shift si "Danilo" at naglalakad pabalik sa tinutuluyan nitong barracks nang makarinig siya ng putok ng baril.
Kasabay nito ay nakaramdam na siya ng sakit sa kanyang likuran at nang tingnan niya ito ay doon niya natantong binaril na pala siya.
Kaagad siyang nagpatulong sa mga residenteng malapit sa nasabing lugar, na siya namang nagdala sa kanya sa ospital.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente, lalo na't napag-alamang walang nakakita sa pamamaril at walang nakitang anumang basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

