Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang isang security guard na umano'y tumangay ng iba’t ibang mamahaling cellphone at gadgets mula sa isang gadget store sa loob ng isang kilalang mall sa Santa Rosa City, Laguna kamakailan.
Batay sa ulat ng Santa Rosa City Police, bandang alas-6:10 ng gabi nang makatanggap sila ng report hinggil sa naganap na nakawan sa isang gadget store sa nasabing lungsod.
Sa isinagawang imbestigasyon at pag-review ng CCTV footage, lumitaw na bandang alas-11:23 ng gabi nang pasukin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang naturang tindahan.
Gayunman, sa mga kuha ng CCTV ay walang ibang taong nakitang pumasok sa gadget store maliban sa isang security guard na kinilala lamang sa alyas na "Marven," na naka-duty noong gabing iyon.
Maliban sa kanya ay wala nang iba pang naitalang pumasok sa tindahan sa oras na iyon.
Ayon pa sa ulat, ang nasabing security guard din umano ang tumawag sa kanilang operation manager upang iulat na magulo ang loob ng gadget store.
Sa iba pang kuha ng CCTV, nakita rin na siya lamang ang nagro-roving sa nasabing lugar at makaraang i-report ang insidente ay pumasok pa umano siya sa loob ng tindahan.
Sa imbentaryo ng establisyimento, lumalabas na nawawala ang 49 na piraso ng iba’t ibang gadgets kabilang ang iPhone, iPad, chargers at adaptor na may kabuuang halagang umaabot sa P1,730,600.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

