'Security threat' ulit sa paaralan
Security

'Security threat' ulit sa paaralan

Jul 27, 2026, 3:18 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isa na namang paaralan sa lalawigan ng Laguna ang nakatanggap ng mga pagbabanta, kasabay ng mga pinaigting na hakbang upang masiguro ang seguridad ng mga mag-aaral sa lalawigan.

Sa isang pahayag noong Martes, July 21, kinumpirma ng pamunuan ng Biñan Integrated National High School (BINHS) na "naresolba" na ang umano'y insidente ng pagpapakalat ng maling impormasyon na "nagdulot ng pangamba sa komunidad ng paaralan."


Sinabi ng school administration na na-verify nila na "walang umiiral na banta" sa nasabing paaralan, kasabay ng mga mensahe na kumalat sa social media.


Hindi naman idinetalye kung anong klaseng pagbabanta ang natanggap ng paaralan, gayong ayon sa nasabing pahayag ay mga estudyante rin ang umano'y nagpakalat nito.


"Ang mga mag-aaral na sangkot sa insidente ay sasailalim sa kaukulang disciplinary procedures alinsunod sa mga polisiya ng DepEd at isasangguni sa City Social Welfare and Development (CSWD) para sa nararapat na intervention at counseling," dagdag pa ng mga opisyal.


Hindi nagsuspinde ng face-to-face classes sa BINHS, habang tiniyak ng paaralan na patuloy ding ipinatutupad ang mga kinakailangang hakbang sa seguridad sa pakikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensya.


Hinikayat rin ang mga magulang at mag-aaral na maging responsable sa paggamit ng social media at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.


Matatandaang sunud-sunod nang nakatatanggap ng mga pagbabanta ang iba't ibang mga paaralan sa buong bansa, bagay na nagdudulot ngayon ng pangamba sa mga magulang at mag-aaral lalo na't hindi pa rin nawawala ang epekto ng insidente ng pamamaril sa Tacloban City noong nakaraang buwan.


Dalawang linggo na ang nakalilipas ay napilitan ring magsuspinde ng pasok ang dalawang pampublikong paaralan sa Santa Rosa City, Laguna dahil rin sa mga kumalat na mensahe ng pagbabanta sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.