School Fair 2026: Gabay sa pangarap ng batang Biñanense
OpinYon Laguna

School Fair 2026: Gabay sa pangarap ng batang Biñanense

Mar 17, 2026, 7:19 AM
Kenneth Sacro at Criselle Lucban

Kenneth Sacro at Criselle Lucban

Contributor

Nahihirapan pumili ng kurso sa kolehiyo? Si Biñan CEDO ang bahala sa’yo!

Matagumpay na inilunsad ng Biñan City Education Office (CEDO) ang School Fair 2026 sa Alonte Sports Arena noong Huwebes, March 5.


Layunin ng aktibidad na gabayan ang mga mag-aaral, lalo na ang mga Grade 12 student, sa pagpili ng kursong tatahakin sa kolehiyo.


Tinalakay rin sa programa ang mga benepisyo ng Iskolar ng Biñan (INB) Program, na nagbibigay ng tulong pinansyal sa mga kwalipikadong estudyante.


Ayon kay Earl Janssen Medina, isang mag-aaral mula sa Saint Francis National High School, malaki ang naitutulong ng ganitong programa sa mga estudyante.


“Malaking tulong ang school fair upang malaman ng mga estudyante kung anong kurso ang kukunin at kung saang kolehiyo maaaring mag-enroll,” ani Earl, na kasalukuyang nagbabalak kumuha ng kursong Information Technology sa PUP Biñan o Trimex.


Para naman kay Allyanna Reign Escopete, isang estudyante mula sa Biñan Integrated National High School, mahalaga ang school fair dahil nagbibigay ito ng ideya sa mga mag-aaral kung anong mga paaralan ang maaari nilang pasukan at kung saan nila maaaring magamit ang kanilang scholarship.


Ibinahagi rin ni Yurie Jazmin Yap, isang mag-aaral mula sa Biñan City Senior High School – San Antonio Campus, na nakatutulong ang programa upang mas malinaw niyang matukoy kung anong kurso ang akma sa kanya.


“I think makakatulong siya sa akin to really find out what is the best among the best at matutulungan din ako nito na masigurado kung ano talaga ang course na mas aligned sa strand na kinukuha ko ngayon,” aniya. Isa sa kanyang pinag-iisipang kunin ay Education Major in English.


Bukod sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga kurso, nagkaroon din ng iba’t ibang presentasyon at aktibidad mula sa mga unibersidad sa lungsod.


Kabilang dito ang mga performance at pagpapakilala ng mga programa at scholarship na inaalok ng mga paaralan tulad ng Trimex at PUP.


Tiniyak naman ni Biñan City Mayor Gel Alonte na patuloy na magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng mga programa at inisyatibo na makatutulong sa mga kabataan ng lungsod.


“Patuloy ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Biñan sa paggawa ng mga paraan at programa na makakatulong sa mga kabataan,” pahayag ng alkalde.


Naging makabuluhang pagkakataon ang School Fair 2026 upang matulungan ang mga Batang Biñanense na mas mapag-isipan at mapaghandaan ang kanilang tatahaking landas sa kolehiyo at sa kanilang hinaharap na karera.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.