‘Scam hub’ sa San Pedro, bistado
Scam

‘Scam hub’ sa San Pedro, bistado

Mar 23, 2026, 3:19 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Tatlumpu’t pito ang naaresto sa isang raid na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) noong March 12 sa isang subdivision sa San Pedro City, Laguna.

Napag-alaman ng mga awtoridad na sangkot ang mga ito sa iba’t-ibang scamming activity kung saan mga matatanda at retirado mula sa Amerika ang kanilang pinupuntirya.


Nadatnan sa naturang operasyon ang mga computer na ginamit at mga naging transaksyon sa mga biktimang banyaga.


Ayon kay NBI Human Trafficking Division Acting Chief Sally Laguardia, nagpapanggap daw bilang call center ang nasabing establisimiyento habang nagpapatakbo ng mga ilegal na aktibidad.


Ang kanilang estilo: magkukunwari silang technical support ng mga kilalang technology company upang makalapit sa mga Amerikanong nangangailangan ng assistance.


Ngunit imbis na tulong ang ibigay, malware ang itinatanim ng mga suspek sa phone o computer ng biktima sa pamamagitan ng mga mensahe na ipinapadala nila.


Kabilang din sa mga isinagawa nila ay ang “fraudulent marketing scheme” kung saan nagpapanggap naman sila bilang empleyado ng isang pharmacuetical company at gumagamit ng listahan ng mga indibidwal na umoorder ng gamot.


Pinagbabayad nila ang mga biktima para sa kunwari ay biniling gamot sabay maglalaho kasama ang pera.


Dagdag ng NBI, sangkot din ang mga suspek sa tinatawag na “loan and debt relief schemes” kung saan pinapaniwala nila na babayaran nang kalahati ang utang ng biktima bago tangayin ang bayad.


Isinailalim na ang mga suspect sa inquest proceedings para sa naging paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 at Anti-Financial Account Scamming Act.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.