Tanong sa mga magulang: mapagkakatiwalaan ba talaga ninyo ang inyong mga kasambahay?
Ito ang masakit na aral na natutunan ng isang magulang sa Cabuyao City, Laguna na muntik nang mawalan ng anak matapos tangkain itong tangayin ng taong kanyang pinagkatiwalaan.
Laking pasasalamat ng ina na kinilala lamang sa alyas "Josie" matapos mabawi ang kanyang anak mula sa itinuring niyang pangalawang magulang na kinilalang si alyas "Mary" sa isang follow-up operation ng Cabuyao City Station sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.
Ayon sa salaysay ng ina ng sanggol na kinilalang si alyas "Josie," namimili umano sila ng kanyang kasambahay sa isang mall sa Cabuyao City, Laguna noong July 20 nang maganap ang insidente.
Nakiusap umano si "Mary" na payagang isama muna ang kanyang pitong-buwang gulang na sanggol habang namimili sa loob ng mall ang ina ng biktima, bagay na pinagbigyan umano nito.
Ngunit nang magbabayad na ng kanyang pinamili si alyas "Josie" ay napansin niyang wala na sa iniwanan niyang pwesto ang kasambahay at ang kanyang anak.
Nagpatulong ang biktima sa mga security guard ng mall ngunit hindi na nila nakita pa ang dalawa sa lugar.
Dito na nagsuplong si alyas "Josie" sa mga awtoridad, na nagsagawa naman ng imbestigasyon.
Natunton naman ang suspek sa tahanan nito sa Rodriguez, Rizal habang matagumpay namang nailigtas ang sanggol.
Nahaharap ngayon sa kasong kidnapping si alyas "Mary" na nakakulong na ngayon sa Cabuyao City Police Station.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

