Matagumpay ang isinagawang Joint Special Anti-Colorum Operation ng Land Transportation Office (LTO), Highway Patrol Group (HPG), at Philippine National Police-Special Operation Division (PNP-SOD) noong Miyerkules, June 3, sa Real, Calamba City.
Umabot sa 12 sasakyan ang nahuli nila sa kahabaan ng National Highway na ilegal na ginagamit bilang shuttle services.
Ayon sa LTO, patuloy pa ring bumabiyahe ang mga naturang sasakyan sa kabila ng kawalan nila ng kaukulang prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Paglabag ito anila sa "Private Motor Vehicles Operating as Public Utility Vehicles/Public Utility Buses/Shuttle Services Without Authority from the LTFRB".
Kaagad inimpound ang mga nahuling sasakyan, habang pinag-aaralan na rin kung may pananagutan sa batas ang mga may-ari nito.
Para kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, patunay lamang ito ng kanilang pagpapaigting ng kampanya upang matiyak na sumusunod sa batas at regulasyon ang lahat ng mga pampublikong sasakyan.
"Hindi natin maaaring hayaan na magpatuloy ang operasyon ng mga sasakyang walang kaukulang awtoridad dahil nakataya rito hindi lamang ang pagsunod sa batas kundi higit sa lahat ang kaligtasan ng mga pasahero,” pahayag ni Lacanilao.
“Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon laban sa mga colorum at iba pang iligal na transport activities sa buong bansa."
Paalala pa niya, mahalagang tiyakin na ang mga sasakyang ginagamit bilang shuttle service ay dumaan sa tamang proseso ng regulasyon upang mapatunayan ang kanilang roadworthiness, insurance coverage, at pananagutan sa oras ng aksidente.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang LTO sa mga kumpanya, operator, at transport service providers hinggil sa nasabing serbisyo.
Anila, maaaring maiwasan ang pagbabayad ng parusa at impoundment sa mga unit kung matitiyak na may wastong awtoridad at kaukulang dokumento ang kanilang mga sasakyan.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #LTO

