Nais patunayan nina Ben Banta at Walter Manalo ng Ranida Games, isang game developer na nakabase sa San Pedro City, Laguna, na mayroon tayong sariling mga mobile games na maaari nating maipagmalaki sa mundo.
Ngayon, handa na silang makipag-kumpetisyon sa mas malalaki at mas magagaling na mga game developer mula sa ibang bansa.
Kamakailan ay napili ang kanilang dinevelop na online game na tinatawag na "Sinag - Fighting Game" bilang nominado sa 2024 SEA Game Awards.
Ayon sa Ranida Games, ang Sinag ay isang 1v1 fighting game kung saan ang mga karakter ay ibinase sa mga karakter ng mitolohiya at kulturang Pilipino.
Halimbawa, ang karakter na si "Juan" ay ibinase sa Juan de la Cruz, ang personipikasyon ng Pilipinas, habang si "Anna Luna" ay ibinase sa "White Lady"; si "Daragi" sa Tikbalang; si "Amon" sa Kapre, at si "Bugan" at "Tala" sa mga pangunahing karakter ng mitolohiya ng Cordillera.
Ibinatay naman ang mga setting ng mga gaming battle sa Sinag sa iba't ibang mga tourist sites gaya ng Mayon Volcano, Chocolate Hills, at Maria Cristina Falls.
Napili ng Cultural Center of the Philippines ang "Sinag - Fighting Game" bilang isa sa mga recipient ng Computer Games Grants Program dahil sa masusing pagsasaliksik nina Banta at Manalo upang masigurong tama ang paglalarawan nila ng mga aspeto ng mitolohiyang katutubo.
Bukod sa "Sinag," kasama sa mga online games na dinevelop ng Ranida Games ay ang "PBA Basketball Slam;" "BAYANI - Fighting Game:" "Vita Fighters;" at "Fighting Pride - The Manny Pacquiao Saga."
Ang awards night ng SEA Games Awards ay gaganapin sa October 2 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
(OpinYon News Team)
#WeTakeAStand #OpinYon #2024SEAGamesAwards #SINAG