San Pablo Titans, Bigay-Todo sa ‘Ripple to Race 1’
OpinYon Laguna

San Pablo Titans, Bigay-Todo sa ‘Ripple to Race 1’

Lahat, Nag-Personal Best!

Jul 27, 2026, 3:31 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ng San Pablo, Laguna ang panibagong tagumpay na nakamit ng San Pablo Titans Swim Club (SPTSC) matapos ang kahanga-hanga nitong kampanya sa Ripple to Race 1, na ginanap noong July 18 sa Muntinlupa Aquatic Center.

Muli kasing pinatunayan ng mga batang manlalangoy ang kahanga-hangang bunga ng kanilang matinding disiplina, walang sawang ensayo, at determinasyong hindi sumusuko.


Ipinamalas sa naturang torneo ang magkakaibang husay ng 22 manlalangoy ng SPTSC, kung saan 18 ang sumabak sa ABC category at apat naman sa Novice category, upang harapin ang aabot sa 61 koponan ng iba’t-ibang lugar.


Sa kabila ng matinding kompetisyon, nakapagtala ang pambato ng San Pablo ng ika-8 puwesto sa overall team standings mula sa kabuuang 62 koponang lumahok sa paligsahan.


Ngunit hindi lang ang kabuuang puwesto ng koponan ang ipinagdiriwang ng lokal na pamahalaan.


Ito ay dahil tatlo sa mga manlalangoy ng Titans sa ABC category ang kinilalang Most Outstanding Swimmers (MOS) para sa kanilang natatanging performances sa kompetisyon.


Higit pa na ipinagmamalaki ng lungsod ay ang pambihirang tagumpay ng buong koponan.


Batay sa pahayag ng city government, nakapagtala ng bagong Personal Best (PB) ang lahat ng 22 manlalangoy ng SPTSC na lumahok sa mga swimming event, bagay na ipinagbubunyi dahil bunga ito ng kanilang mahigpit na paghahanda at tuloy-tuloy na pagsasanay.


Ibinahagi rin ng LGU na ang mga atleta ay dumaraan sa matitinding ensayo matapos ang kanilang klase, kung saan araw-araw nilang hinahasa ang kanilang kakayahan bilang paghahanda sa malalaking kompetisyon.


Hindi rin ito ang unang pagkakataong nagbigay ng karangalan ang San Pablo Titans sa lungsod.


Ayon sa pamahalaang lungsod, tuloy-tuloy ang paglahok ng koponan sa iba't ibang prestihiyosong swimming competitions, kung saan palagi itong nag-iiwan ng impresibong marka.


Para sa kanila, ang naging kampanya ng San Pablo Titans sa Ripple to Race 1 ay hindi lamang serye ng mga panalo sa pool.


“From quiet after-school laps to standing proud among the region's elite, the Titans prove time and time again that true success is a journey of endless perseverance and continuous growth,” pahayag ng lokal na pamahalaan.


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #RippletoRace1


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.