Isang malaking karangalan para sa mga Katolikong Lagunense ang pagkakatalaga kay Bishop Marcelino Antonio Maralit ng Diocese of San Pablo sa isang mataas na posisyon sa Federation of Asian Bishops’ Conferences (FABC).
Ayon sa ulat ng CBCP News noong March 16, itinalaga si Bishop Maralit bilang bagong tagapangulo ng Office of Social Communication ng FABC.
Papalitan ni Maralit si Cardinal Francis Sebastian ng Malaysia, na nagbitiw sa kanyang pwesto noong nakaraang taon.
Ang 55-anyos na obispo ay itinalaga ni Pope Francis upang pamunuan ang Diocese ng San Pablo, na nakakasakop sa buong lalawigan ng Laguna, noong September 21, 2024.
Pormal siyang iniluklok sa nasabing posisyon noong November 21, 2024.
Si Maralit ay nagsisilbi rin bilang tagapangulo ng Episcopal Commission on Social Communications ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) simula pa noong 2019.
“This is, of course, an added responsibility. Nevertheless, I am very hopeful and I pray that my time in this ministry in social communications would be fruitful,” pahayag ni Maralit.
“[I hope] to help serve the FABC in trying to assist the different Asian bishops’ conferences in this very challenging ministry of social communications in this digital age,” dagdag pa ng obispo.
Ang FABC ay isang regional association na binubuo ng mga episcopal conference ng Simbahang Katolika sa Timog, Timog-Silangan, Silangan at Gitnang Asya, kabilang na ang CBCP.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #CBCP #FABC