Sampaloc Lake, ginawang imburnal?
OpinYon Laguna

Sampaloc Lake, ginawang imburnal?

Feb 3, 2026, 7:48 AM
Christian Magdaraog

Christian Magdaraog

Writer

Hindi makapaniwala ang isang concerned citizen mula sa lungsod ng San Pablo, Laguna sa kaniyang namataan na maruming bahagi ng Sampaloc Lake noong Martes, January 27.

Tila nagmistula nang tapunan ang pinakatanyag sa “Pitong Lawa” ng lungsod dahil sa langis at kulay pulang kemikal na umaagos dito.


Ayon sa kaniyang post sa “San Pablo Public Form”, nahuli ni Mark Barola ang biglaang paglabas ng maruming tubig papunta sa Sampaloc Lake.


Hindi malinaw kung saan nanggaling ang dumi, ngunit kuwento ng ibang residente ay ilang beses na raw nila itong napapansin sa tabi ng lawa.


Malaking palaisipan tuloy sa kanila kung ano ang ginagawa ng lokal na pamahalaan upang maprotektahan ang naturang yamang tubig.


Matatandaan kasi na wala pang tatlong buwan matapos itong pansamantalang isara noong Oktubre 1 hanggang Nobyembre 15 para bigyang panahon ang lawa at kapaligiran nito na makabawi at mapangalagaan.


Ang nasabing proyekto ay pinagtulungan pa nga ng Department of Public Works and Highways at ng lokal na pamahalaan ng San Pablo.


Kung sakaling matagal na itong nangyayari, pangamba ng iilan na baka makaapekto ito sa buhay ng mga isda at kalidad ng tubig.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #SampalocLake


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.