Salpukan ng van at motor: 2 patay
Accidents

Salpukan ng van at motor: 2 patay

Jan 27, 2025, 3:13 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Dalawa ang namatay habang walo ang sugatan sa salpukan ng dalawang sasakyan sa Alaminos, Laguna hatinggabi ng Lunes, January 20.

Batay sa ulat ng Alaminos Municipal Police Station, naganap ang nasabing aksidente sa bahagi ng Del Pilar St. (National Highway) sa Barangay Poblacion 2 bandang 12:25 ng umaga ng Lunes. Ayon sa ulat ng mga saksi, gayundin sa kuha ng CCTV camera malapit sa naturang lugar, binabaybay ng isang van na minamaneho ng isang alyas "Rolly" ang kahabaan ng National Highway papunta sa direksyon ng San Pablo City nang, pagdating sa pakurbadang bahagi ng downtown Alaminos, ay nagtangka itong mag-overtake sa isang truck.


Hindi na niya naiwasan ang isang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang alyas "Edward" na papunta naman sa direksyon ng Santo Tomas City, Batangas. Sa lakas ng pagkakasalpok nito sa motorsiklo ay nawalan ng kontrol ang van hanggang sa bumangga ito sa isang cement barrier sa gilid ng kalsada.


Dead on arrival sa ospital ang mga driver ng dalawang sasakyan, habang sugatan ang mga sakay ng van na napag-alamang pawang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan sa apat na barangay sa Tabaco City, Albay.


Lumabas sa imbestigasyon na naggaling umano sa isang seminar ang mga biktima at pauwi na ng Albay nang maganap ang aksidente.


Isinugod sa iba't ibang ospital sa San Pablo City, Laguna ang mga biktima, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Alaminos police ukol sa nasabing aksidente.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.