(Editor’s note: Sa isyung ito sisimulan ang “Pilgrim Watch,” isang feature series ukol sa mga makasaysayang simbahan sa lalawigan ng Laguna na maaaring puntahan sa darating na Mahal na Araw.)
Ngayong papalapit na ang Mahal na Araw, inaasahang muling dadagsain ng mga deboto at turista ang iba’t ibang simbahan sa lalawigan ng Laguna.
Hindi mo pa sure kung saan maaaring mag-Visita Iglesia o magtika ngayong Mahal na Araw?
Narito na ang inyong guide sa mga makasaysayang simbahan sa lalawigan!
Umpisahin natin ang ating biyahe sa simbahan kung saan bininyagan ang Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal – ang St. John the Baptist Church sa Calamba City, Laguna.
Ang nasabing simbahan ay unang itinatag ng mga paring Franciscan noong 1779, habang ang kasalukuyang simbahang bato ay itinayo noong 1859 at kinumpuni matapos masira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Dinisenyuhan ng estilong “Baroque” ang kapilya gamit ang pinaghalong makalumang bato at modernong mga kagamitan pang-istruktura.
Naging makasaysayan ang simbahang ito dahil dito bininyagan si Jose Rizal noong Hunyo 2, 1861.
Makikita dito ang isang kopya ng patotoo ni Leoncio Lopez, na sinulat matapos matupok ang mga orihinal na tala ng simbahan noong 1862.
Kung isa kang peregrino na balak bumisita sa naturang simbahan ngayong Mahal na Araw, may tricycle na masasakyan mula SM City Calamba o Turbina papunta rito.
Madaling hanapin ang nasabing simbahan dahil malapit ito sa mismong Jose Rizal Shrine.
Kung manggagaling ka naman sa Metro Manila, pwede kang sumakay sa mga bus terminal katulad ng Buendia, Cubao, PITX, o Gil Puyat papuntang Calamba/ Sta. Cruz/ Lucena na dadaan sa SM Calamba.
Umaabot ng isa hanggang tatlong oras ang nagiging byahe ng mga commuter depende sa daloy ng trapiko.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

