Lahat ng negosyo, malaki man o maliit, ay may obligasyon na i-enroll ang kanilang mga empleyado sa Social Security System (SSS).
Ito ang mahigpit na paalala ng SSS - San Pedro City branch sa muling pag-arangkada ng Run Against Contribution Evaders (RACE) program sa San Pedro City, Laguna noong Martes, April 30.
Sa ilalim ng naturang programa, nagsadya ang mga kawani ng SSS sa mga negosyo na hindi pa naka-enrol ang mga empleyado sa SSS o di kaya'y hindi nagreremit ng mga kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Rey Untiveros, head ng SSS San Pedro Branch, bahagi ito ng isang simultaneous campaign ng SSS upang ipaalala sa mga employer na may obligasyon sila na mag-remit ng mga kontribusyon ng kani-kanilang mga empleyado sa naturang ahensya.
Walong "delinquent" employer sa San Pedro City na may kabuuang 80 employer ang sorpresang binisita ng SSS at binigyan ng notice of violation.
Lahat ng mga negosyo na nakitaan ng deficiencies ay binigyan ng SSS ng 15 araw upang itama ang kanilang mga pagkukulang sa ahensya at kapag hindi sila nakapag-comply ay maaari silang maharap sa legal na aksyon, ayon pa kay Untiveros.
Serbisyo ng SSS, papalawakin pa
Sa isa namang panayam sa OpinYon Laguna, ibinahagi ni Untiveros na balak nilang palawakin pa ngayong taon ang mga programa ng SSS na naglalayong ma-enroll ang mga kawani ng barangay at "informal sector" sa ahensya.
Bukod pa rito, nais na rin ng ahensya na hangga't maaga ay mai-enrol na ang mga college at senior high school graduate sa SSS upang hindi na sila mahirapan pa sa paghahanap nila ng trabaho.
"We have this project with the schools, kung saan yung mga graduating students, pinupuntahan natin para ma-isyuhan ng SSS number para maging member na agad sila," ayon kay Untiveros. "Sa gayon, kahit magdesisyon ang ating mga graduating student na hindi muna agad sila maghahanap ng trabaho, ang mahalaga ay kasapi na sila ng SSS, lalo na't ito ay isa sa mga basic requirement ngayon sa paghahanap ng trabaho."
#WeTakeAStand #OpinYon #SSS #race #RunAfterContributionEvaders