Hinihinalang lulong sa iligal na droga ang isang lalaking nagwala sa loob ng isang gasolinahan at nagtangka pang tumakas mula sa mga pulis sa Santa Rosa City, Laguna nitong Martes, May 27.
Sa ulat ng Santa Rosa City Police Station, unang rumesponde ang kanilang mga tauhan sa tawag ng crew ng isang gasolinahan sa Barangay Don Jose ukol sa isang lalaking sakay ng isang van na umano'y nagwawala sa naturang lugar.
Matapos umanong makarating sa lugar, sinubukang pakalmahin ng pulis ang suspek na kinilala lamang sa alyas na "Alvin" ngunit paulit-ulit umano nitong binusinahan at pinaingay pa ang motor ng kanyang kotse.
Matapos ang ilang oras, dumating ang asawa umano ni "Alvin" at tinangka ring umawat sa nagwawalang mister.
Subalit biglang pinaharurot umano ng suspek ang kanyang sasakyan palayo sa gasolinahan, kung saan bumangga pa siya sa dalawang mobile car ng mga pulis.
Naaresto naman ng mga awtoridad si "Alvin" matapos ang isang hot pursuit operation.
Nakuha mula sa suspek dalawang sachet at isang bote ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P68,000.
Nakakulong na sa Santa Rosa City Police Station ang suspek na nahaharap ngayon sa patong-patong na kaso.
#WeTakeAStand #OpinYon #StaRosaLGU #OpinYonStories