Rizal Monument sa Majayjay, pinalalagyan ng historical marker
OpinYon Laguna

Rizal Monument sa Majayjay, pinalalagyan ng historical marker

Feb 9, 2026, 6:43 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Majayjay, Laguna ang hangarin na kilalanin sa pambansang lebel ang kahalagahan ng bantayog ni Dr. Jose Rizal sa kanilang bayan.

Inihain nina Konsehal Dandred Eriga at Edison Sobreviñas Reyes ang isang resolusyong humihiling sa Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas o NHCP na malagyan ng Historical Marker ang nasabing monumento noong nakaraang Lunes, February 2.

Ang nasabing resolusyon ay bunga ng pagsasaliksik ng Tuklas Tayabas Historical Society sa pangunguna ng pangulo nito na si John de Valdeavilla, na nagsasabing ang bayan ng Majayjay ang kauna-unahan umanong bantayog ni Rizal sa isang pampublikong lugar.


Partikular na sinabi ng mga mananaliksik na ito ang kauna-unahang monumento ni Rizal na may istatwa o imahen ng bayani.


Ang kinikilala kasing pinakaunang monumento ni Rizal na itinayo sa bayan ng Daet, Camarines Norte noong 1898 ay walang imahen o istatwa.

Sinundan ito ng pagtatayo ng bantayog ni Rizal sa bayan ng Paete, Laguna noong 1903, ngunit sinira ito sa hindi pa malamang dahilan.

Taong 1904 naman nang atasan si Doroteo Roqueza ng noo’y Municipal President ng Majayjay na si Don Antonio Escobar ang pagtatayo ng isang istatwa ni Rizal sa población ng nasabing bayan.


Nag-ambag ng pera ang mga mamamayan ng naturang bayan upang maipatayo ang naturang bantayog ni Rizal na natapos noong 1905.


Taong 1913 naman nang opisyal na pasinayaan ang kilalang bantayog ng bayani sa Bagumbayan (ngayon ay Rizal Park) sa Luneta, Maynila.

"[Ang monumentong ito ay] patunay kung gaano nila niyakap si Rizal bilang simbolo ng pag-asa at gabay tungo sa ganap na kalayaan," pahayag ni Eriga sa kanyang social media page.

Bukod sa bantayog ni Rizal, kilala rin ang bayan ng Majayjay sa mga makasaysayang gusali tulad ng Basilica Minor of Saint Gregory the Great Parish Church at ang Puente del Capricho, na binanggit pa ni Rizal sa kanyang nobelang El Filibusterismo.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.