Unti-unti nang tinutupad ng lokal na pamahalaan ng San Pablo ang ipinangako nitong solusyon hinggil sa nakatenggang San Pablo-Alaminos Bypass Road.
Ito ay matapos simulan noong Lunes, June 15, ang pamamahagi ng paunang kabayaran sa mga apektadong may-ari ng lupa dahil sa ginagawang infrastructure project.
Ayon sa San Pablo City Information Office (CIO), ang ibinigay na down payment upang mabili ang kanilang land property ay katumbas anila ng 50 porsiyento ng kanilang kompensasyon mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tinitiyak naman ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada Jr. na maibibigay ang natitirang kabayaran sa mga nasabing residente kapag nakumpleto at naisaayos na ang mga kinakailangang dokumento.
Dagdag niya, bahagi ang mga ito ng mahalagang proseso upang maipagpatuloy ang konstruksyon ng naturang bypass road.
Dahil sa patuloy na pag-usad ng proyekto, inaasahang matatapos na sa katapusan ng taon ang San Pablo-Alaminos Bypass Road.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

