Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng motibo sa pagpaslang sa isang may-ari ng resort sa Calamba City, Laguna noong September 24.
Dead on the spot ang biktima na kinilalang si Jomar Paulino dela Cruz matapos pagbabarilin sa loob mismo ng isang resort sa Barangay Pansol ng lungsod na ito.
Ayon sa isang saksi na empleyado ng nasabing resort, dalawang lalaki na nakasuot ng helmet at black jacket ang kumatok sa gate ng resort at hinanap ang biktima dahil rerentahan umano nila ang naturang lugar.
Tinawag naman ng saksi si Dela Cruz sa gate at nang makalapit na ito sa gate ay nakarinig na umano ang saksi ng sunud-sunod na putok ng baril.
Nang puntahan niya ang biktima ay nakita na niya ito na duguan at nakahandusay sa lapag.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Calamba City police upang madakip ang mga suspek na agad tumakas matapos ang krimen.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews