Ito ang iginiit na pahayag ni John Valdeavilla, pangulo ng Tuklas Tayabas Historical Society tungkol sa pagkubkob ng 82 kasapi ng Rehimyentong Tayabas sa mahalagang kuta ng mga Espanyol noong sinakop nito ang bansang Pilipinas sa loob ng mahigit 300 taon.
“Taas-noo nating ipagsigawan ang mayaman nating kasaysayan. Maging proud tayo na nagawa natin yun, tayo ang nagpabagsak sa Fort Santiago, tayo ang unang sumigaw ng kalayaan sa sentro ng kapangyariahan ng mga Kastila sa Pilipinas. Let’s be aware with our fellow Quezonians na may ganitong kuwento sa ating kasaysayan,” ang pahayag ni Valdeavilla, isang batang may matibay na malasakit sa lokal na kasaysayan ng lalawigan ng Quezon na noon ay kilala sa pangalang Tayabas.
Tinawag ni Valdeavilla ang 82 kasapi ng Rehimyentong Tayabas na namatay sa kanilang pagsalakay sa Fort Santiago na “mga limot na bayani”.
“Mas kilala pa natin ang ibang mga bayani kesa sa mga kalalawigan natin na kung tutuusin sila ang nakagawa ng mga bagay na hindi nagawa ng mga kilala nating bayani ng rebolusyon noong 1898. Nakubkob natin ang mahalagang kuta ng mga Espanyol na di nagawa ni Bonifacio o ni Aguinaldo,” ang madamdaming saad ni Valdeavilla sa isang eksklusibong panayam ng Opinyon Quezonin.
Kasaysayan ng Rehimyentong Tayabas
Ayon sa pananaliksik sa kasaysayan ng Tuklas Tayabas Historical Society ni Valdeavilla, ang Rehimyentong Tayabas ay pinamunuan ni Sarhento Ireneo Samaniego na isang taal na Tayabasin.
Upang bigyang katarungan ang pagpatay ng mga Espanyol kay Apolinario dela Cruz na mas kilala sa pangalang Hermano Puli at sa mga kasapi ng itinatag nitong Cofradia De San Jose noong Nob. 1-4, 1841 ay nilusob ng mga kawal ng Rehimyentong Tayabas ang Kutang Santiago sa tulong ng mga katutubong bantay sa loob nito noong hatinggabi ng ika-20 at 21 ng Enero 1843. Mula sa kanilang kutang binabantayan sa Malate ay palihim nilang tinungo ang pintuan ng Santa Lucia sa Intramuros. Dahil sarado na ito, inakyat nila ang bakod at pinatay ang mga bantay. Madaling napasok ng grupo ni Samaniego ang Fuerte de Santiago at sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, nakubkob ng mga Pilipino ang Fuerte de Santiago.
Nang mabalitaan ng Gobernador Heneral Oraa ang kaguluhang ito, agad na nagpadala ng mga kawal upang mabawi muli ng mga Kastila ang Fuerte de Santiago. Matapos ang ilang oras na sagupaan ay nagipit na ang grupo ni Samaniego. Kinaumagahan ng Enero 21, 1843, ang 82 miyembro ng Rehimentong Tayabas na panandaliang nagpabagsak sa Fuerte de Santiago ng mga Kastila ay agad na pinapatay sa labas ng Intramuros.
Paggunita at pagpupugay
Nitong nakaraang ika-27 ng Mayo 2021 ay isang simpleng paggunita at pagpupugay sa kabayanihan ng Rehimyentong Tayabas ang pinangunahan ni Mayor Ernida A. Reynoso bilang paunang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Nagtungo ang delegasyon ng Tayabas sa pangunguna ng punonglungsod, city administrator Diego Narzabal at kasama ang ilang mga opisyal at kawani ng pamahalaang panglunsod ng Tayabas upang mag-alay ng bulaklak sa panandang pangkasaysayan para sa Rehimyentong Tayabas na nakalagay sa loob ng Kuta Santiago.
Malugod na tinanggap ni Intramuros Administrator Atty. Guiller Asido ang grupo ni Reynoso bago idinaos ang isang maikli at makasaysayang programa.
Sa naturang programa ay iginiit na ang Fuerte de Santiago ay naging mahalagang lugar sa pagpapamalas ng kabayanihan ng mga Tayabasin noong panahon ng mga Kastila dahil dito unang narinig ang sigaw ng panawagan ng kalayaan sa kamay ng mga dayuhan.
Historical marker
Nabatid kay Roselle Villaverde, Senior Tourism Operations Officer ng pamahalaang panglungsod ng Tayabas, na bagamat wala pang naitatayong historical marker ng Rehimyentong Tayabas ay patuloy ang lokal na pamahalaan sa paggunita sa mga sakripisyo at pakikipaglaban ng mga bayaning Tayabasin na nakapagambag upang makamit ang kalayaan ng bansa.
“Bukod sa taunang pagpupugay sa Rehimyentong Tayabas, sa bahagi ng Tourism Office kasama ang City Planning and Development Coordinator ay magpapanukala tayo sa lokal na pamahalaan na magkaroon ng budget upang makapagtayo ng marker o pagkakakilanlan ang kabayanihan ng ating mga kababayang Tayabasin na pinamunuan ni Sarhento Samaniego,” pahayag ni Villaverde.
Ipinaliwanag pa nito na bagamat mahaba ang proseso ng pagpaplano kung saan itatayo ang naturang marker ay binabalak na ring isabay ang pagtatayo ng isang parke kung saan mas malawak, mas maayos at mas makikilala higit lalo ng mga kabataang Tayabasin ang kasaysayan ng Rehimyentong Tayabas.
Mensahe ng Rehimyentong Tayabas
Sinabi ni Valdeavilla, na mainam na sa bawat bayan ng lalawigan ay magkaroon ng historical marker o bantayog para makilala ang mahalagang nagawa ng mga Tayabasin.
Binanggit nito ang naging problema sa pagpapalit ng pangalan ng lalawigan ng Quezon na dati ay kilala bilang lalawigan ng Tayabas.
Noong Sept. 7, 1946 bilang pagkilala at pagpupugay sa dating pangulong Manuel Luis Quezon ang lalawigan ng Tayabas ay naging lalawigan ng Quezon sa bisa ng Republic Act No. 14 na ipinasa ng Senado at Kongreso.
Ayon kay Valdeavilla dito sa Rehimyentong Tayabas ay lalawigan ang tinutukoy at hindi ang dating bayan ng Tayabas. Mahalaga anya na maipaunawa ito lalo na sa mga kabataang Quezoñian ngayon.
“Ang pag-unawa sa kasaysayan ang simula ng pagmamalasakit sa bayan at ito rin ang mensahe ng kasaysayan ng Rehimyentong Tayabas: ang magmalasakit sa kapwa at magtulungan para sa kaginhawahan ng bayan,” ang pagtatapos ni Valdeavilla.