Nagbunga ang masigasig at tuloy-tuloy na pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon matapos nito makamit ang dalawang mahalagang pagkilala mula sa Civil Service Commission (CSC).
Ang parangal ay iginawad sa ilalim ng Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) sa isang makabuluhang seremonya na ginanap noong Martes, April 14, sa Puerto Princesa City, Palawan.
Kasama ang Quezon sa piling 15 ahensya mula sa rehiyon ng Calabarzon at Mimaropa na kinilala dahil sa kahusayan at kalidad ng kanilang sistema sa pamamahala ng human resources.
Natamo ng lalawigan ang Maturity Level 2 para sa dalawang mahalagang kategorya: Performance Management at Recruitment, Selection, and Placement.
Ang mga tagumpay na ito ay sumasalamin sa matibay na dedikasyon ng pamahalaang panlalawigan na isulong ang makatarungan, effecient, at mataas na antas ng human resource management.
Itinuturing itong pundasyon upang higit pang mapabuti ang kalidad ng serbisyong pampubliko para sa bawat mamamayang Quezonin.
Hindi lamang ito simpleng pagkilala sa kasalukuyang pamamalakad, kundi naglilingkod din itong inspirasyon at hamon upang patuloy na itaas ang integridad, propesyunalismo, at kahusayan sa paglilingkod ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon para sa ikauunlad ng buong lalawigan.

