Sa gitna ng nagpapatuloy na krisis, isang bagay ang tiyak: magpapatuloy ang ipinagmamalaking Puto Latik Festival ng Biñan City, Laguna ngayong taon.
Ito ang opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Biñan kamakailan, kasabay ng kinakaharap na krisis sa enerhiya bunsod ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Gayunpaman, tiniyak ng LGU na magiging simple ang mga aktibidad sa nasabing kapistahan na naging bahagi na ng cultural life ng bawat Biñanense.
Kabilang dito ang pagpapaliban sa ilang mga programa bilang bahagi ng kanilang hakbang tungo sa mas responsable at maingat na paggamit ng pondo ng bayan.
Bagaman mababago ang nakasanayang pista, makatitiyak naman ang mga residente na mananatiling masaya at tatak Biñanense ang gaganaping pagdaraos.
“Patuloy nating ipagdiriwang ang ating pamana, lalo na ang Puto Biñan at ang Maglalatik, sa paraang angkop sa kasalukuyang kalagayan,” ayon pa sa LGU.
Inaasahan din na madadagdagan pa ito ng mga bagong programa na maghahatid ng serbisyong publiko upang makatulong sa mga residenteng nangangailangan.
Batid nila ang sitwasyon ng bawat isa kaya naman sinisikap ng lokal na pamahalaan sa tulong ng mga pribadong institusyon na maging episyente at matipid ang pagsasagawa ng mga programa.
“Makaaasa ang lahat na ang bawat hakbang ay isinasagawa alinsunod sa mga umiiral na panuntunan at sa layuning matiyak ang isang makabuluhan, ligtas at responsableng Puto Latik Festival para sa ating komunidad.”
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

