PUP-Pakil, pormal nang pinasimulan
Education

PUP-Pakil, pormal nang pinasimulan

Aug 24, 2026, 6:54 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Isang bagong kabanata para sa mga estudyanteng Lagunense ang binuksan noong nakaraang August 15.

Sa araw na iyon ay pormal nang pinasimulan ang unang semestre sa bagong campus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Pakil, Laguna.


Isinagawa sa araw na iyon ang orientation para sa mga kauna-unahang estudyante ng PUP-Pakil Campus.


Sa isa namang pahayag, nagbigay ng taos-pusong pagbati ang pamahalaang bayan ng Pakil sa mga bagong estudyante ng PUP sa nasabing bayan.


"Ang araw na ito ay hindi lamang simula ng inyong paglalakbay bilang PUPians, kundi simula rin ng isang pangarap na matagal nating nais maisakatuparan—ang magkaroon ng sariling kolehiyo dito mismo sa Pakil," anila.

Pinasalamatan rin ng lokal na pamahalaan si dating Mayor Vince Soriano, na isa sa mga nagsulong na maitayo ang naturang campus sa Pakil.


"Isang pangarap na nagsimula noon, ipinagpatuloy ngayon, at para sa kinabukasan ng kabataan ng Pakil," dagdag pa nito.


Ang PUP-Pakil campus ang ikalimang branch ng PUP sa Laguna province, na mayroon nang sariling mga campus sa mga lungsod ng San Pedro, Biñan at Santa Rosa at sa bayan ng Calauan.

Sa kasalukuyan ay dalawang kurso pa lamang ang iniaalok sa PUP-Pakil campus - ang Bachelor of Science in Entrepreneurship (BSENTREP) at Bachelor of Science in Information Technology (BSIT) - gayong inaasahang madaragdagan pa ang mga kurso at programang iaalok ng campus sa mga susunod na taon.


Inaasahang malaking tulong ang bagong campus para sa mga estudyante sa silangang bahagi ng Laguna, na hindi na kailangan pang pumunta ng Maynila o sa kabisera ng lalawigan sa Santa Cruz upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.