PSA: Socmed, pangunahing puntahan para sa balita ng kalamidad
PSA

PSA: Socmed, pangunahing puntahan para sa balita ng kalamidad

Oct 13, 2025, 6:06 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Kapag nakaramdam na tila lumilindol, check agad sa Facebook o sa X (dating Twitter). Kapag bumabagyo, refresh nang refresh ng page ng Pagasa.

Ito na ang nakikitang trend ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pagkuha ng balita ng mga taga-Calabarzon ukol sa mga sakuna o kalamidad.

Ayon sa 2024 National Information and Communications Technology Household Survey na inilabas ng PSA kamakailan, social media na ang pangunahing source ng impormasyon at updates ukol sa mga kalamidad ng 71 porsiyento ng mga indibidwal sa Calabarzon edad 10 pataas.

Sumunod dito ang telebisyon (58.6 porsiyento) at emergency mobile alerts na ipinapadala ng mga awtoridad (57.8 porsiyento).

Pumangatlo naman ang "personal networks" (47.5 porsiyento), sumunod ang announcements mula sa barangay (46.2 porsiyento).

Malaki naman ang ibinaba ng porsiyento ng "traditional media" gaya ng radyo (7.1 porsiyento) at pahayagan at magasin (3.1 porsiyento)

Ayon kay PSA Statistical Specialist Jan Irvin Mark Sison, smartphones na ang itinuturing ng karamihan ng mga residente bilang pinakamabilis at pinaka-epektibong device para makakuha agad ng emergency alerts o balita ukol sa kalamidad.

“More than half or 54.8 percent of individuals aged 10 years and over considered their mobile device as the most effective means to receive information on how to make their household safe from natural disasters,” aniya.

At gayong minsan ay nahuhuli na o di kaya ay nakakagulat para sa ilang mga mobile phone user, nakikita ng PSA na unti-unti nang nagiging epektibo ang mga emergency mobile alert upang pakilusin ang mga residente, lalo na para sa mga nakatira sa mga danger zone.

“Survey results showed that 79.2 percent of individuals aged 10 years and over in the region or approximately 4 out of 5 individuals have ever received an emergency mobile alert,” dagdag pa ni Sison.

Ngayong sa social media na ang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng mga Lagunense pagdating sa kalamidad, hinihikayat ng ilang sektor na palakasin pa ang media literacy efforts ng pamahalaan lalo na't mabilis na rin ang pagkalat ng fake news ukol sa mga sakuna.

(Ulat at larawan mula sa Philippine Information Agency)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PSA #NICT


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.