Protesta ng kababaihan para sa karagatan
DENR

Protesta ng kababaihan para sa karagatan

Mar 18, 2026, 7:55 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Kasabay ng paggunita ng International Women's Day noong Linggo, March 8, sama-samang kumilos ang mga kababaihan ng San Francisco (Aurora), Quezon upang ipanawagan ang pagprotekta sa kanilang kabuhayan at karapatan.

Pinangunahan nila ang protesta laban sa kontrobersyal na foreshore lease permit na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na umano’y nagbabantang sumira sa kanilang mga tahanan at tradisyonal na hanapbuhay.


Kilalang haligi ng komunidad, ang mga kababaihang mangingisda ng Barangay Don Juan Vercelos ay matagal nang umaasa sa makakalikasang pangingisda, hindi lamang para sa sariling pamilya kundi para sa kabuuang ekonomiya ng kanilang barangay.

Sila ang tagapangalaga ng karagatan, katuwang sa pagproseso at pagbebenta ng mga huli, at pangunahing sandigan ng lokal na industriya ng isda.


Ngunit ngayon, kinakaharap nila ang pangambang mawala ang kanilang kabuhayan matapos bigyan ng DENR ng foreshore lease permit ang baybayin ng kanilang lugar—isang hakbang na maaaring magbukas ng pinto sa malawakang pagpaparesort at komersyalisasyon ng kanilang dalampasigan.


Binigyang-diin ng mga kababaihang mangingisda na bukod sa kabuhayan, mismong tirahan at likas-yamang dagat ng kanilang komunidad ang nakataya.


Tinawag ng mga lider ng protesta ang pansin ng lokal at pambansang pamahalaan, at hinikayat ang DENR na suriin muli ang epekto ng permit sa mga kababaihan at mangingisda. Nagbabala rin sila na magpapatuloy ang kanilang pagkilos hanggang sa marinig at matugunan ang kanilang mga hinaing.


Ang kilos-protesta ay naging simbolo ng matibay na paninindigan ng kababaihan hindi lamang para sa kanilang sariling karapatan, kundi para sa kinabukasan ng kanilang komunidad at likas-yaman ng bansa.


Sa Araw ng Kababaihan, muling ipinamalas ng mga kababaihang mangingisda ng Don Juan Vercelos na sila ay handang ipaglaban ang kanilang karapatan at kinabukasan.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.