Prangkisa ng trike sa San Pablo City, libre na
OpinYon Laguna

Prangkisa ng trike sa San Pablo City, libre na

Jul 13, 2026, 6:33 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Malaking bawas sa pasanin ng mga tricycle driver na nahihirapan pa rin sa mataas na presyo ng krudo.

Ito ang hatid ng pamahalaang lungsod ng San Pablo, Laguna kasabay ng pagpapasa ng isang lokal na ordinansa ukol sa prangkisa ng mga tricycle sa lungsod.

Ipinasa kamakailan ng Sangguniang Panglungsod ng San Pablo ang Ordinansa Blg. 70, Serye ng 2026 na nagbibigay ng exemption sa mga kwalipikadong rehistradong may-ari at operator ng Public Utility Tricycle (PUT) sa pagbabayad ng ilang bayarin sa pagre-renew ng kanilang Motorized Tricycle Operator's Permit (MTOP) o prangkisa at kaugnay na regulatory fees.


May bisa ang nasabing ordinansa sa loob ng tatlong taon, o sa mga taong 2026 hanggang 2028.


Upang maging kwalipikado sa exemption, kinakailangang ang operator ay may balidong MTOP o prangkisang inisyu ng pamahalaang lokal, rehistradong Public Utility Tricycle operator, may maayos na rekord ng pagsunod sa mga batas sa trapiko at transportasyon, at nakatugon sa iba pang mga kondisyong itinakda ng ordinansa.


Para sa taong 2026, ganap na inaalis ang bayarin sa pagre-renew ng MTOP o prangkisa at mga kaugnay na regulatory fees na nagkakahalaga ng ₱718.80 bilang isang beses na subsidiya para sa mga kwalipikadong operator.


Kabilang sa mga exempted na bayarin ang Mayor's Permit, Franchise Fee, Health/SSF, Sticker/Color Coding, Docket Fee, at Garbage Fee.


Samantala, para sa mga taong 2027 at 2028, hindi na rin sisingilin ang Mayor's Permit at Franchise Fee na may kabuuang halagang ₱495.00 bawat taon, sa kondisyon na nabayaran nang buo ang renewal fee sa nakaraang taon, walang rekord ng kanselasyon o suspensyon ng MTOP, at walang naitalang paglabag sa trapiko sa loob ng anim na buwan bago ang pag-renew.


Layunin ng nasabing ordinansa na iniakda ni Konsehal Leonardo Villanueva na mabawasan ang gastusin ng mga kwalipikadong operator ng pampublikong tricycle at makapagbigay ng tulong pinansyal sa sektor ng pampublikong transportasyon sa lungsod.

(Ulat mula sa San Pablo City Information Office)


#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.