Sang-ayon ba kayo na tuluyang ipagbawal ang paggamit ng gadget habang nasa paaralan?
Ito ang tinalakay sa isinagawang joint hearing ng House Committee on Health at House Committee on Basic Education and Culture kamakailan.
Naging pangunahing paksa dito ang iba’t-ibang epekto umano ng unregulated at unsupervised access ng mga batang estudyante pagdating sa electronic devices tulad ng cellphone.
Kaya higit na isinusulong ng ilang kongresista ang mga House Bill (HB) gaya ng 1169 at 3725 na may layuning ipagbawal ang paggamit ng mga ito para sa mga mag-aaral na edad 16 pababa.
Samantala, isang ban din ang nais mangyari ng HB 6432 at 8695 ngunit para naman sa mga estudyante simula Kindergarten hanggang Senior High School upang makapag-focus sa gitna ng klase.
Dahilan ng mga kongresista, ito ay dahil nagiging hadlang na hindi lang sa pagkakatuto ng mga naturang mag-aaral kundi maging sa development ng kanilang physical at mental health bunsod ng sobrang paggamit at pagbabad sa gadget.
Maliban sa mga nasabing panukala, kabilang din sa mga tinalakay ay ang HB 472 at 7887 na layuning magsulong ng maayos na paggamit ng mga mobile device sa bawat paaralan.
Isa si Biñan City Representative Arman Dimaguila, na dumalo sa nasabing hearing, ang buong suporta na kinikilala ang pangangailangan sa proteksyon at kalusugan ng mga mag-aaral.
Bilang Vice Chairperson ng Committee on Health, binibigyang pansin niya ang nananatiling pagkukulang ng maraming bata pagdating sa kanilang kalusugan, na nagsisilbing balakid sa maayos na pagkatuto.
Sumang-ayon naman ang ilang eksperto na anila ay nararapat lamang upang matugunan ang lumalaking kaso ng mga apektadong mag-aaral sa bansa.
Para kay Philippine Mental Health Association (PMHA) Executive Director Carolina Uno-Rayco, totoong pinapalala ng unregulated at unsupervised na paggamit ng electronic gadget ang kalusugan ng kabataan.
“Excessive screen time is fueling a huge mental health crisis. More than three hours of social media daily doubles depression and anxiety risks, while more than four hours links to ADHD symptoms, sleep loss, and reduced focus,” pahayag niya.
Rekomendasyon niya ngayon ang pagkakaroon ng strict school hour bans, mental health metric, promotive focus, at home or community extension.
Ayon naman kay Philippine Psychiatric Association (PPA) President Dr. Joan Mae Perez-Rifareal, mahalagang isaalang-alang ang pagkakaroon ng developmentally tiered regulation pagdating sa mga bata.
“The most protective framework treats the child as a developing whole person, following, again, the biological, psychological, social, and spiritual approach, and calibrates gadget use according to age, setting, with clear exceptions for instructional, health, and emergency use,” aniya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

