PLDT naman!
Telecoms

PLDT naman!

Hindi lang PrimeWater ang pahirap

Aug 27, 2025, 2:14 AM
Jai Duena

Jai Duena

Writer

(Unang bahagi ng seryeng ‘PLDT Naman’)

Nasa mga Villar ang spotlight ngayon nang sa wakas ay narinig rin ng gobyerno ang hinaing ng mga konsyumer na ilang taon nang pinapahirapan ng serbisyo – o kawalan nito – ng PrimeWater.

Pero hindi naman siguro ikasasama ng loob nila kung i-share nila ang spotlight sa isa pang kapwa bilyonaryo.

PLDT, Meralco, Maynilad. Gets niyo na agad, ’di ba? Pag hindi, PLDT ka ba?

Ang slow mo naman

Sa usapang kalye, synonymous sa PLDT ang mga salitang buffering, loading, slow, mahina, mabagal, at bulok.

Ayon sa kanilang website, pormal na isinilang ang Philippine Long Distance Telephone Company o PLDT noong November 28, 1928. Kaya ba bulok na ito?

Taong 1998 naman nang ang tukayo ni Manny Villar na si Manny V. Pangilinan at kanyang kompanyang First Pacific ay pumasok at binili ang 17.5 percent stake ng PLDT sa halagang ₱29.7 billion.

Fast forward sa kasalukuyan, ayon sa Better Internet For All Filipinos report ng World Bank nitong nakaraang taon, nahuhuli ang Pilipinas sa affordability, speed, at access kumpara sa ibang ASEAN countries.

Sa fixed broadband o internet sa bahay, pinakamataas ang 264 Mbps sa Singapore habang ang average speed sa atin ay 92 Mbps. Tanging Indonesia, Laos, Cambodia, at Myanmar lang ang mas mabagal.

Pero sa kabila ng mabagal na internet, pangatlo pa rin sa pinakamahal ang Pilipinas kasunod ng Cambodia at Myanmar.

Sa mobile broadband naman ay pareho rin ang sinasabi ng report: isa ang Pilipinas sa pinakamabagal subalit mas mahal kumpara sa mga karatig-bansa.

Iba’t ibang dahilan

Hindi ko isinisisi ang mga ito sa PLDT dahil ayon din sa report, “outdated policy frameworks” ang ugat nito.

Pero nabanggit din sa report ang “duopoly” na dulot ng mga polisiyang ito.

Sa tinagal-tagal ng panahon na nakinabang ang PLDT dito at naging leading service provider sa bansa, tila ba kasing bagal ng internet nila ang kanilang pagpapabuti ng serbisyo.

Proweba nito ang mas magandang performance ng mga bagong kompetisyon nila na Converge at DITO.

Ayon sa Speedtest Connectivity Report ng OOKLA noong 2024, Converge ang pinakamabilis na fixed internet service provider sa bansa.

Sa mobile network naman, kahit na Smart (na under rin ng PLDT) ang pinakamabilis, DITO ang top-rated na provider.

Isipin mo, sa tinagal-tagal ng PLDT ay mabilis silang natalo ng mga mas bago.

Sinasabi rin nito na kaya naman palang ayusin o mas ayusin pa ang serbisyo kung gugustuhin.

(Itutuloy)

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PLDT


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2025 OpinYon News. All rights reserved.