Plastic, palit bigas na
Quezon

Plastic, palit bigas na

Dec 6, 2021, 5:46 AM
Jeanelle Abaricia

Jeanelle Abaricia

Writer

ANG bayan ng Pagbilao sa Quezon, tulad ng iba pang mga bayan, ay may dalawang suliranin. Una ay ang kahirapan ng mga mamamayan. Ikalawa ay ang pagkawasak ng dati'y mayaman at malinis na kalikasan.

Alam ni Mayor Shierre Palicpic ang dalawang problemang ito, kaya naman suportado niya ang naisip na ideya ng kanilang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) -- ang programang “Plastic Palit Bigas” sa bayang ito.

Ang totoo ay hindi na talagang bago ang proyekto. Ginawa na ito ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa Maynila. At isinagawa na rin ito ng ilang mga opisyal sa iba't ibang bayan na nauna sa kanya.

Layunin ng naturang programa sa Pagbilao na itaas ang kamalayan sa wastong pamamahala ng 'solid waste' at kung paano ito makatutulong sa pangangalaga sa ating kapaligiran.

Ang isang kilong plastic (gaya ng balat ng shampoo, sabon, sitsirya at iba pang kauri nito) ay maaaring ipagpalit sa isang kilong bigas.

Hindi naman maaaring ipagpalit ang mga sando bag, transparent na plastic tulad ng 8 x 11 at matitigas na plastic gaya naman ng mga laruan, crates at iba pa na kagaya nito.

Ang bawat barangay ay may nakalaang apat na sakong bigas o 200 kilograms, at limitado naman sa limang kilo ang maaaring ipagpalit sa bawat tao.

Sa mga nagnanais maging kabahagi ng Plastic Palit Bigas Program, maaring makipag-ugnayan sa inyong mga barangay o magtungo sa tanggapan ng MENRO na matatagpuan sa Municipal Public Market.

Isang magandang proyekto ito para kahit papaano ay malunasan ang problema sa kahirapan at sa kalikasan.


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.