Ang Quarry na inaprubahan ni Gov. Jayjay Suarez at DENR ay may 7 taong nang umuuka sa Iyam River ng mga bato, sumisira sa pananim at nanganganib na bumigay ang dam.
MARIING pinatitigil ng samahan ng mga magsasaka at mga residente ng 3 barangay ng Tayabas at Lucena City ang walang habas na ginagawang pagka-quarry sa Iyam River na sumasakop sa Bgy. Tongko at Silangang Domoit ng Tayabas city at Bgy. Domoit ng Lucena.
Lumagda ang mahigit 300 katao sa isang petisyon na humihiling sa Tayabas at Lucena at sa mga ahensiyang Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB), DENR/PENRO-Lucena, Mines and Geosciences Bureau, at Environmental Management Bureau na kanselahin ang permit at Environmental Compliance Certificate (ECC) at ipatigil ang quarry.
Ang quarry ay negosyo ng JMAT Gravel and Sand na pag-aari ni Bryan Laredo.
Binigyan nila ng sipi ng kanilang petisyon ang mga mayor at konsehal ng Lucena at Tayabas, si DENR Secretary Roy Cimatu, si Gov. Danilo Suarez, Vice Gov. Samuel Nantes at mga bokal, kasama ang Tanggol Kalikasan (TK), isang environmentalist NGO.
Matagal nang tinututulan
Ayon kay Porferio Mayani, pangulo ng Silangan Domoit Farmers and Irrigators Association, matagal na nilang tinututulan ang quarry operation ni Laredo dahil nanganganib na maapektuhan ang kanilang mga lupang sakahan at tuluyang pagkasira ng kanilang ilog at barangay road.
“Pag di tumigil ang quarry malamang kumati ang tubig sa palayan dahil mahigit 500 metro lamang ang layo ng quarry nila sa aming irigasyon kaya apektado ang aming hanapbuhay bilang mga magsasaka,” ang sabi ni Mayani noong Martes sa panayam ng Opinyon-Quezonin kasama ang 5 kasapi ng TK sa pangunguna ni Jay Lim, program director.
Nagpahayag ng pag-aalala si Mayani na baka mawala ang pinagmumulan ng kanilang tubig kaya magugutom ang may 30 magsasaka ng kanilang samahan sa 10 ektarya nilang taniman. Sinabi ni Mayani na kahit isang puno ay walang naitanim si Laredo at walang tinupad sa probisyon ng ECC nito.
Hinamon ni Mayani si Laredo na magsagawa ng public consultation at pagdinig para malaman nito ang matinding pagtutol ng kanyang mga kabarangay sa pagpapatuloy ng quarry operation sa kanilang lugar.
Sabi naman ni Jonald Gualvez, magsasaka ng Bgy. Tongko:
“Inirereklamo din sila ng mga may-ari ng tubigan sa aming barangay, at ang ilog po namin ay talagang sirang-sira na, lumawak ang ilog sa kanilang paghuhukay at gumuguho na po ang mga bato."
Iyam River
Ayon sa isang paabiso sa publiko, ang JMAT Gravel and Sand ay may quarry permit No. IP-Q-201-01 na inisyu noong Mar. 18, 2019 at may date of expiration na Mar. 17, 2024; at may ECC No. R4A-1401-0052 na inisyu noong Feb. 3, 2014.
Nakita namin na sa gitna at mga gilid ng Ilog Iyam ay mabagal ang daloy ng tubig na nahahadlangan ng malalaking bato na nagkalat at naghambalang. Sabi ni Lim, noong isang linggo lang ay nakuhanan pa nila ng drone shot ang mismong lugar na makikitang may mga trak na naghahakot ng mga bato at buhangin sa naturang lugar ngunit kakatwa umano ngayon na wala kahit isa.
Ayon sa ECC mula sa EMB-Calabarzon may petsang Peb. 3, 2014 ang JMAT Gravel and Sand ay may sakop na 49,999 square meters at may maximum annual extraction rate na hindi lalampas ng 60,000 cubic meters. Ang ECC ay may lagda ni Noemi Paranada ng Environmental Impact Assessment and Management Division at Engr. Carlos Magno, Regional Director ng EMB.
Ilan sa mga dapat ginawa ng JMAT ay ang paglalagay ng buffer zone na 5 metro sa magkabilang pampang ng ilog at ang pagtatanim ng mga punongkahoy upang mapigilan ang erosion at siltation.
Petisyon noong 2014
Noong Peb. 23, 2014 ay may petisyon na ang mga Lucenahin at Tayabasin laban sa pagka-quarry sa Silangan Domoit dahil hindi umano ito dumaan sa pampublikong konsultasyon. Nagpahayag sila noon pa ng pangamba na posibleng ma-wash-out ang ‘salak na communal dam’ at ang kanilang petisyon ay natanggap noong Marso 3, 2014 ng tanggapan ng dating Gob. David ‘Jayjay’ Suarez at ng PMRB noong Mar. 21, 2014.
Noong April 28, 2014 ay tinanggap ni G. Webster Letargo, vice chairman noon ng PMRB, ang liham ni Mayani na humihingi ng sipi ng mga dokumentong may kaugnayan sa quarry. Matapos mag-imbestiga umano, sinabi ni G. Donald ng PMRB na
"hindi maaapektuhan ang dam dahil malayo ang quarry."
Tutol dito ang mga magsasaka dahil sa kanilang karanasan kapag umuulan at bumabaha ay bumababa ang mga bato at lupa na pinangangambahan nilang makain ng ilog ang kanilang pananiman, masira ang dam at pati ang kalsada.