Pension sa seniors, balak ng Calamba
OpinYon Laguna

Pension sa seniors, balak ng Calamba

Feb 17, 2025, 2:13 AM
OpinYon News Team

OpinYon News Team

News Reporter

Inaasahang maipapatupad na sa hinaharap ang balak ng pamahalaang lungsod ng Calamba na magpatupad ng local pension para sa mga indigent senior citizen sa lungsod.

Sa isang press release nitong nakaraang Martes, February 11, inihayag ni Calamba City Vice Mayor Angelito "Totie" Lazaro, Jr. na tinatalakay na sa Sangguniang Panglungsod ang panukalang ordinansa para sa nasabing programa.

"Binabasa na ngayong linggo sa sesyon ang pagbibigay-mandato kay Calamba City Mayor Roseller H. Rizal para lagdaan ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A at ng lungsod ng Calamba hinggil sa social pension ng mga indigent senior citizen ngayong taon," ani Lazaro, na siya ring presiding officer ng Sangguniang Panglungsod.

Sinertipikahan na rin aniya bilang "urgent" ang naturang ordinansa upang mapabilis ang pagpasa nito sa Sangguniang Panglungsod.

Ayon sa isinusulong na ordinansa, makatatanggap ang mga indigent senior citizen sa Calamba City ng hindi bababa sa P1,000 kada buwan bilang tulong-pinansyal.

Nauna nang ipininangako ni Mayor Rizal na maipapatupad sa lalong madaling panahon ang nasabing programa na inaasahang makatutulong sa mga pangangailangan ng mga senior citizen, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DSWD


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.