Sumasalamin nga ba sa tunay na kalagayan ng ekonomiya ang pagtaas sa singil ng mga Roll On-Roll Off (RORO) operator sa nakalipas na mga linggo?
Ito ang tanong na nais masagot ni Quezon 3rd District Representative Reynante Arrogancia sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan.
Sa isang pahayag, nanawagan si Arrogancia, na siya ring vice chairperson ng House Committee on Transportation, sa Maritime Industry Authority (MARINA) na agarang repasuhin ang ipinatutupad na pagtaas ng pamasahe at singil ng mga operator ng mga RORO vessel.
Ayon kay Arrogancia, dapat malinaw na maipaliwanag ang basehan ng anumang dagdag-singil lalo na’t ramdam na ng mga commuter ang impact ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
“Kung may basehan ang pagtaas, ipaliwanag ito nang malinaw. Pero kung wala, dapat itong itama agad. Hindi pwedeng automatic ang taas-presyo lalo na sa sektor na kritikal sa daloy ng kalakal,” aniya.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangan ng mas mahigpit na monitoring at transparency sa industriya ng maritime, kabilang ang regular na paglalantad ng cost components ng mga RORO operator upang maiwasan ang posibleng pananamantala.
Dagdag pa niya, may malawak na epekto sa ekonomiya ang galaw ng pamasahe sa RORO dahil direktang naaapektuhan nito ang presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.
Ipinaalala rin ng solon na bagama’t liberalized ang domestic shipping rates sa ilalim ng Executive Order No. 213 at isinabatas sa Republic Act No. 9295, nananatili ang mandato ng MARINA na tiyakin ang makatwiran at matatag na presyo ng pamasahe at freight rates.
“Hindi ibig sabihin ng deregulation ay malaya na sa pananagutan ang mga operator. May kapangyarihan pa rin ang gobyerno na kumilos laban sa hindi makatwirang singil, lalo na kung nalalagay sa alanganin ang kapakanan ng publiko,” diin pa niya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

