Sa taun-taong paggunita sa buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo, may nababago kaya sa kalidad ng pagkatao? O banal na lamang ba tayo sa panahong ganito? Sana, kahit pa ilang beses tayong madapa tulad ng pagkadapa ni Kristo habang tinitiis niya ang bigat ng krus, init ng panahon at mga sugat sa katawan bunga ng pagpapahirap ng tao ay pilitin pa rin nating tumayo at manindigan sa kabutihan at ipaglaban ang tama, ang karapat-dapat, at pagiging matuwid. Sana, ang pagiging banal at mabuting tao ay nasa kalooban at hindi lamang sa panlabas na pagpaparangya. Sana, ang taong ito ay maging makabuluhan at kaiba sa mga nagdaang Kuwaresma.
Maraming bayan sa Quezon ang maaaring bisitahin kapag Kwaresma o panahon ng Holy Week. Bawat bayan ay may kanya-kanyang ipinagmamalaking tradisyon na noon pa man hanggang ngayon ay ginagawa pa sa mga sinaunang bayan sa lalawigan.
Sikat ang Kamay ni Hesus sa kahit anong panahon. Ito ay nasa isang bundok sa bayan ng Lucban. Sinasabing may healing priest na maaaring makatulong sa may mga karamdaman na bumibisita rito. Ito ay si Father Joseph Faller. Sa katunayan, isa na talagang tourist at pilgrimage destination ang Kamay ni Hesus.
Tradisyon
Sa bundok Banahaw sa Lucban pa rin, at sa Kinabuhayan sa bayan ng Dolores, noon pa man ay pinupuntahan ng mga namamanata at mga pilgrim ang lugar. Sagrado at lubhang payapa ang pagninilay dito.
Mayroon pa ring mga Senakulo sa kalsada ng Sariaya. Napatigil mang pansamantala sa panahon ng pandemya, muling magbabalik ang tradisyon kung saan madaling maunawaan ang mga kaganapan sa Passion of Christ at ano ang binabanggit sa Bibliya ukol dito.
Sa General Luna, doon sinasabing nagsimula ang Moriones Festival ng Marinduque. Sa bayan ng General Luna sa Quezon ay may ginaganap ng Centurion Festival tuwing Mahal na Araw. Buhay pa rin ang tradisyon ng penitensya sa maraming bayan, kabilang na ang General Luna.
Ngayong taon, magkakaroon sila ng Buhay na Kubol Festival mula Abril 3 hanggang Abril 9. Sa mga kubol ay makikita ang labing-apat na Stations of the Cross. Bahagi ng pagtatanghal ang Senakulo kung saan mga artists ang gaganap sa mga bahagi ng buhay ni Hesus. Kaagapay ang Sariaya Tourism Artists Guild na magtatanghal sa Sabado de Gloria sa harap ng munisipyo ng General Luna.
Sa madaling-araw ng linggo ay gaganapin ang Salubong, ang pagkikita ng nabuhay na mag-uling si Hesukristo at ang inang Birheng Maria. Sa ganitong pagkakataon ay nag-aawitan ang mga anghel sa langit, na ginagampanan naman ng mga batang tila mga anghel sa kanilang tinig at kasuotan.
Ang Holy Week o Semana Santa ay isang taunang tradisyon na bagama’t relihiyoso ay nakakaakit din ng mga panauhin o turista sa mga bayan na mayroong kakaibang mga ritwal at tradisyon.
Nagsisimula sa Linggo ng Palaspas, tampok ang mga Santong Araw sa loob ng isang linggo na sa taong ito ay pumapatak sa Abril 2-8. Easter Sunday ang araw ng paggunita sa muling pagkabuhay ni Hesus kung kaya at tinatawag ding Pasko ng Pagkabuhay.
Lungkot at ligaya ang hatid ng paggunita sa Semana Santa. Mahalagang maging taos-puso ang padaraos nito.
Visita Iglesia
Noong unang panahon, ang Visita Iglesia ay isinasagawa sa Holy Week, partikular sa Huwebes Santo at minsan ay Biyernes Santo bago mag-alas tres ng hapon. Pitong simbahan ang binibisita habang walang ginaganap na misa nang sa gayon ay makatapat sa mga stations of the cross sa simbahan.
Ang modernong pagbibisita iglesia naman ay sinisimulan na ng mga relihiyoso sa mga araw makalipas ang Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday hanggang makumpleto nila ang mga simbahang pupuntahan sa kapanahunan ng Kuwaresma.
Sa lalawigan ng Quezon, maraming simbahan ang madalas puntahan ng mga deboto, Church sa Tiaong, San Pedro Bautista Church sa Candelaria, St. Francis of Assissi Church sa Sariaya, Minor Basilica of St. Michael the Archangel sa Tayabas, San Luis Obispo de Tolosa Parish Church sa Lucban, Shrine of Our Lady of Sorrows sa Dolores, St. Ferdinand Cathedral sa Lucena, St. Catherine of Alexandria Parish Church sa Pagbilao, Our Lady of Angels sa Atimonan, Cathedral of San Diego de Alcala sa Gumaca, Immaculate Conception Parish sa Catanauan, Conversion of St. Paul Church sa Pitogo, Luminous Cross of Grace Sanctuary sa Agdangan, St. Lawrence the Deacon Parish Church sa Buenavista, St. Peter the Apostle Parish Church sa Mulanay, Immaculate Conception Parish Church Macalelon, at marami pang iba.
Walang pinipiling simbahan para makapag-Visita Iglesia ngunit madalas unang pinipili ng mga relihiyoso ang mga luma at malalaking simbahan na nakaligtas sa mga kalamidad tulad ng lindol at bagyo.
Sa isang sikat na resort sa Tiaong, tradisyunal pa rin ang pagdaraos ng Mahal na Araw. Kapag Biyernes Santo ay inilalabas lahat ng malalaking santo at isinasama sa prusisyon sa karatig na lunsod ng San Pablo.
Matatandaang ang pagpunta sa simbahan at ang mga tradisyong panrelihiyon ay napahinto sa kasagsagan ng pandemya. Ngayong unti-unting bumabalik sa dati ang kalagayan ng mga tao hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, mananatiling ang pananampalataya ang pinagkakapitan ng lakas at pag-asa.