Panuntunan sa ‘pilot testing’ ng face-to-face classes, nilagdaan na
Education

Panuntunan sa ‘pilot testing’ ng face-to-face classes, nilagdaan na

Sep 28, 2021, 6:29 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, inabot ng isa’t kalahating taon ang pagpaplano at talakayan bago makapagsagawa ang gobyerno ng face-to-face na klase sa gitna ng pandemiya.

MANILA – Nilagdaan na kamakailan ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ang Joint Memorandum Circular ukol sa pagpapatupad ng limited face to face classes sa gitna ng nagpapatuloy na pandemiya ng Covid-19.

Pinirmahan ni Education Secretary Leonor Briones at Health Secretary Francisco Duque III ang kasunduan sa isang ceremonial signing nitong nakaraang Lunes (Setyembre 27).

Ayon kay Briones, inabot ng isa’t kalahating taon ang pagpaplano at talakayan bago makapagsagawa ang gobyerno ng face-to-face na klase sa gitna ng pandemiya.

Sinabi ng kalihim na 95 na mga paaralan mula sa pampublikong elementarya, lima sa public senior high at 20 pribado na paaralan ang nakatakdang lumahok sa pilot run.

Dagdag pa ni Briones, kailangang matiyak ng gobyerno ang suporta mula sa mga local government units kung saan gaganapin ang mga klase, gayudin ang pahintulot ng mga magulang.

Batay sa inilabas na guidelines, tanging mga paaralang pasok sa pamantayan ng DepEd ang makalalahok sa limited face-to-face classes.

Kailangang maipasa ng mga paaralan ang 46 indicators na nakapaloob sa School Safety Assessment Tool (SSAT) at dapat nasa minimal risk ng Covid-19 ang paaralan.

Ang pagsasagawa ng limitadong “face-to-face” classes sa mga lugar na “low risk” o mababa ang tsansa ng pagkalat ng Covid-19.

Mahigpit ding babantayan ang pasilidad ng paaralan.

Kinakailangang kumpleto ang mga ito sa hand washing facilities, personal protective equipment (PPEs), Antibacterial soap at 70-percent isopropyl/ethyl alcohol.

Ang mga mag-aaral ay kailangang magdala ng sariling face mask, face shield, sabon, toothbrush at toothpaste.

Upang masiguro na maipatutupad ang social distancing sa loob ng silid-aralan, may isa hanggang dalawang metro ang layo ng upuan ng bawat mag-aaral. Ang hindi gagamitin na upuan ay mamarkahan ng ‘X’.

Ang pilot testing na limited face-to-face ay kakaiba sa normal na dami ng eskwela.

Ang kindergarten ay magkakaroon lamang ng 12 mag-aaral, 16 mag-aaral sa Grades 1 hanggang 3, at 20 mag-aaral sa Grades 4 hanggang 12.

Kinakailangang ang silid-aralan ay may electric fan at bubuksan lahat ng bintana at pintuan nang sa gayon ay pumasok ang natural na hangin.

Ang paaralan ay kinakailangang magsagawa ng daily health monitoring sa mag-aaral, guro at kawani.

Sa kasalukuyan, wala pang nakatakdang petsa kung kailan magsisimula ang pagpapatupad ng “face-to-face” classes o kung ano-anong mga paaralan ang lalahok.

Tags: #DepartmentOfEducation, #facetofaceclasses, #Covid19, #healthprotocols


More about Education

PREPARING FOR FACE-TO-FACE CLASSES Danny Querubin

PREPARING FOR FACE-TO-FACE CLASSES

a week ago

We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2021 OpinYon News. All rights reserved.