Paano nga ba naipapasa ang kahalagahan ng kasaysayan at kultura sa susunod na henerasyon?
Ayon sa pinuno ng Biñan City Culture, History, Arts and Tourism Office (BCHATO) na si BJ Borja, malaking bagay kung tutuusin ang simpleng pag-uusap upang iparating ito.
Naniniwala siya na “walang saysay ang kasaysayan kung hindi ito isasaysay” sa ibang tao.
“Nagkakaroon ng relevance at importance ang isang bagay kung patuloy natin itong pinag-uusapan,” kwento niya.
Hindi naman natin ginagawa ito para sa present generation, ginagawa natin ito para sa ating future generation—yung magtutuloy ng ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino at bilang isang Biñanense.”
Dahil dito, higit niyang nakita ang importansya na maipabatid ito lalo sa mga karaniwang residente ng lungsod ng Biñan.
Kaya naman taon-taon na lang kung isagawa ng kanilang lokal na pamahalaan ang “Usapang Kultura” kasabay ng Puto Latik Festival, upang matugunan ang tanong hinggil sa lokal na pamana at kasaysayan.
Para sa ika-sampung taon nito, inimbitahan ng BCHATO noong Lunes, May 18, ang dalawang dalubhasa pagdating sa local culture and heritage na sina Antonio “Noni” Agulto at Edgar Allan Sembrano.
Palengke at ‘Prinza’
Tinalakay ni Agulto ang social at cultural significance ng ipinagmamalaking Biñan Public Market na aniya’y malaki ang epekto sa mga taong umaasa dito.
Kabilang sa mga ibinahagi niya ay ang sariling pananaliksik na isinagawa tungkol sa naturang palengke, kung saan pinag-aralan niya ang iba’t-ibang kaugalian, produkto, tradisyon at pangyayari na humubog dito.
Nakatuon naman si Sembrano sa mga “prinza” o sinaunang dam sa Pilipinas na itinayo pa noong panahon ng mga Espanyol.
Binanggit niya rin ang napanatiling Timbao Prinza Dam ng lungsod na matatagpuan sa Barangay Timbao.
Ayon sa kaniya, isa ang mga dam sa rason kung bakit na-industrialize ang Biñan bago pa man sumapit ang 20th century.
Kasaysayan sa modernong panahon
Maliban sa mismong talakayan ng dalawang speaker, mas naging makabuluhan ang naturang cultural summit sa paglahok ng mga imbitadong grupo mula sa Department of Education-Biñan, Barangay Timbao, Biñan Public Market, at Mister and Miss Biñan.
Isa sa mga napag-usapang paksa ay kung paano maaaring makatulong ang kabataan upang isulong ang lokal na kultura sa gitna ng modernisasyon at nagbabagong preperensiya.
Ayon kay Agulto, bahagi na talaga ng umuunlad na lipunan ang dalang banta ng mga social trend.
Gayunpaman, mahalagang makagawa ng intervention ang bawat local government unit para mahikayat ang kabataan na tangkilikin ang lokal nilang kultura.
“Between 2017 and now, ang dami nang nangyari sa technology. So, even the buying behavior has changed. Hindi ka na pupunta sa palengke dahil meron ka ng ibang options. Pero why would you go to the market? Because there's something exciting, there's something new to experience. There's something about the culture that you want to taste, you want to feel,” kwento niya.
“I guess that's the reason why there's a Puto Latik Festival, so namumulat yung mata ng mga kabataan about culture that's probably forgotten.”
Para naman kay Sembrano, ang mga istruktura tulad ng palengke, dam, simbahan at monumento ay hindi lang bahagi ng kasaysayan kundi ang pagkakakilanlan din ng pagiging Pilipino.
Dagdag niya, kung tatanggalin ang mga nasabing bagay ay mawawalan ng koneksyon ang mga tao sa kasaysayan.
“Ang mga ito ay representasyon ng ating kasaysayan, pamana, at pinaghirapan ng ating mga ninuno na kailangan nating bigyan ng alaga at protektahan para sa future generations,” aniya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

