Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, may mga kawatan na nagsasamantala na sa sitwasyon para kumita.
At hindi lamang ito sa pamamagitan ng hindi makatarungang pagtataas sa presyo kundi pati na rin sa mismong pagnanakaw ng langis.
Sa Santa Rosa City, Laguna, walo ang nahuli sa aktong pagpapaihi o iligal na pagsasalin ng mga produktong petrolyo noong Huwebes, July 23.
Nadakip ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng Santa Rosa City Police Station sa isang saradong gasolinahan sa Barangay Malitlit.
Ayon sa mga awtoridad, nahuli ang mga suspek sa akto ng pagsasalin ng mga produktong petrolyo mula sa tatlong tanker truck papunta sa mga galon.
Umabot sa P1.9 milyong halaga ng gasolina, P1.2 milyong halaga ng diesel at P102,000 na halaga ng F1 Ethanol ang nabawi sa nasabing operasyon.
Nakumpiska rin mula sa mga suispek ang iba't ibang mga paraphernalia sa "paihi" gaya ng mga galon at hose, gayundin ang isang baril at 20 piraso ng bala.
Nakadetine na sa Santa Rosa City Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1865 (Oil Pilferage Law) laban sa kanila.
Ngayong inaasahan na naman ang muling pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, mas pinaigting ngayon ng mga awtoridad ang pagbabantay laban sa mga operasyon ng "paihi" sa Southern Luzon region.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

