Tuluy-tuloy na ang pangarap ng mga Lagunense sa pagkakaroon ng isang maayos na ospital na magbibigay ng specialized services sa mga residente ng lalawigan.
Pinirmahan na kamakailan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang Republic Act No. 12071, na nagtatatag ng Laguna Regional Hospital sa bayan ng Bay.
Ang nasabing ospital ay isang Level III-DOH Run General Hospital na may kapasidad na 300 beds at magbibigay ng iba't ibang specialized medical services sa mga Lagunense.
Matatandaang pinasimulan na ang pagtatayo ng nasabing istruktura sa Barangay Puypuy noong May 16.
Sa kanyang post sa social media, ibinahagi ni 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez, na nagsulong sa nasabing batas, ang kanyang pasasalamat sa pagkakapasa ng RA 12071.
"Pangarap ko po na sa ating mismong lalawigan ginagamot, inaalagaan, at nagpapagaling ang ating mga may sakit na kababayan at hindi na lumalayo pa sa iba pang mga probinsya o ospital. Ito na po ang simula ng katuparan ng ating pangarap na iyon, at masaya po ako na kasama ko kayo sa pagtupad nito," ayon sa kongresista.
Dagdag pa ng kongresista, aabot sa P150 milyon ang paunang pondo na ilalaan para sa pagpapatakbo sa nasabing ospital.
Nauna nang sinabi ni Department of Health Assistant Secretary Dr. Ariel Valencia na makatutulong ang pagtatayo ng nasabing tertiary-level hospital upang mabawasan ang "overcrowding" sa dalawa pang malalaking government hospital sa Calabarzon region, ang Batangas Medical Center sa Batangas City at ang Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City, Cavite.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #LagunaRegionalHospital #DOH