Sugatan ang isang delivery rider matapos siyang barilin ng nakaalitan niyang buyer sa isang mall sa Santa Rosa City, Laguna nitong nakaraang Martes, October 8.
Dinala sa Mount Sinai Hospital sa nasabing lungsod ang biktima na kinilala bilang alyas "Ralph," 37 anyos at residente ng Las Piñas City, dahil sa tama ng bala sa kanyang braso.
Batay sa ulat ng Santa Rosa City Police Station, inutusan si "Ralph" ng kanyang employer na magdeliver ng isang cellphone unit sa isang buyer sa parking lot ng isang mall sa Santa Rosa City, Laguna.
Nang maideliver na ni "Ralph" ang naturang item sa buyer na hindi pinangalanan, hiniling niya na cash ang ipambayad sa item ngunit tumanggi ang suspek at sinabing via online siya magbabayad.
Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa biglang bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan sa braso ang biktima.
Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na tumakas gamit ang isang SUV matapos ang insidente.
(OpinYon News Team/Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews