Sino pa kaya sa mga San Pedrense ang nakakakilala kay Abelardo Remoquillo, ang bayani ng San Pedro, Laguna?
Upang muling maikintal sa isipan ng mga San Pedrense ang kabayanihan ni Remoquillo at iba pang mga bayani ng lungsod, isinagawa noong March 4 ang pagdiriwang ng 17th San Pedro Veterans Day.
Kabilang sa mga dumalo sa nabanggit na pagdiriwang sina Vice Mayor Ina Olivarez, City Administrator Atty. Henry Salazar, at mga konsehal na sina Atty. Marky Oliveros, Dr. Sonny Mendoza, at Aldrin Mercado.
Dumalo rin ang mga kamag-anak ni Remoquillo at iba pang mga beteranong San Pedrense, ang kinatawan ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na si Veterans Affairs Management Division Chief Liza de la Cruz, mga kasapi ng Veterans Federation of the Philippines sa pangunguna ni Laguna 1st District Commander Colonel Jesus Rey Avilla (Ret), mga kasapi ng VFP Sons and Daughters Association sa pangunguna ni Ike Robles, at mga kasapi ng Girl Scouts of the Philippines na pinangunahan ni Schools Division Superintendent Rogelio Opulencia.
Ang San Pedro Veterans Day ay ipinagdiriwang alinsunod sa Municipal Resolution No. 2007-50, bilang paggunita sa lahat ng mga beteranong San Pedrense ng iba't ibang mga digmaan.
Kasabay ng pagdiriwang na ito ang paggunita sa kamatayan ni Remoquillo o mas kilala bilang si "Kapitan Remo," isa sa mga bayaning San Pedrense noong World War II. Nakilala siya bilang isa sa mga pinuno ng "ROTC Hunters," isa sa mga grupo ng mga gerilya na lumaban sa mga mananakop na Hapones.
Napatay si Remoquillo noong March 8, 1945 habang tumutulong sa pagpapalaya ng Bay, Laguna mula sa mga Hapones.
#WeTakeAStand #OpinYon #SanPedrensengBayani