Matagal nang isang "tourism magnet" sa lalawigan ng Laguna ang Calamba City.
Hindi lamang dahil ito ang lugar ng kapanganakan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, kundi dahil na rin sa mga hot spring resort nito na siyang paboritong dayuhin ng mga turista tuwing panahon ng tag-init.
Ngunit para sa mga opisyal ng lungsod, mayroon pang higit na maiaalok sa mga lokal at banyagang turista ang “Lungsod ng Pambansang Bayani.”
Ayon kay Engr. Maolen Karla Boholano, pinuno ng Calamba City Cultural Affairs, Tourism and Sports Development Department, tinitingnan ngayon ng Calamba City LGU ang pagpo-promote ng “food tourism” upang makahatak pa ng mga bisita ang lungsod.
Sa isang press conference kaugnay ng nalalapit na Buhayani Festival noong June 3, inilahad ni Boholano na nagsasagawa na ang kanyang tanggapan ng cultural mapping upang makilala kung ano pang mga "tatak Calambeño" na maaaring maging gawing leverage upang mapalakas ang tourism industry sa lungsod.
Kaparis ng lungsod ng Iloilo, nakikita aniya ng LGU ang mga lokal na putahe na maaaring mai-promote hindi lamang bilang pagpapalakas sa turismo kundi bilang pagpapalago sa mayamang kultura ng Calamba City.
“Ang pinaka-tingin po namin [na maitatanghal] ng aming opisina ay ang culinary heritage ng Calamba City,” ani Boholano, bilang tugon sa isang katanungan mula sa OpinYon Laguna.
"Isinama po natin sa ating cultural mapping kung ano po ang kilalang mga dish dito sa Calamba City," dagdag pa niya.
Kabilang na rito ang biya (round goby), isang uri ng isda na nahuhuli sa Laguna de Bay, na karaniwang ginagawang tuyo, piniprito o di kaya'y niluluto sa gata ng niyog.
Nariyan din aniya ang okoy, adobong mais, sinigang na kanduli at ayungin, at bibingkang itlog.
Dagdag pa ni Boholano, balak ng kanyang opisina na maglabas ng isang cookbook na naglalaman ng mga kilalang lutuin sa Calamba City na maaaring maging salik hindi lamang ng mga Calambeño kundi pati na rin ng mga taga-ibang parte ng Pilipinas o ibang bansa na nais malaman ang mga katangi-tanging pagkain mula sa lungsod.
"Kung titingnan po kasi natin ang datos ng Department of Tourism, pagkain po ang isa sa mga pinaka naa-appreciate at pinakamalaking ginagastusan ng mga turista," aniya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews