"Investor-friendly" Quezon. Ito ang naging layunin ng isinagawang pulong ng Quezon Provincial Investment and Incentives Board (QPIIB) noong Martes, March 10.
Pinangunahan ang naturang pagpupulong ni Governor Angelina "Doktora Helen" Tan, kasama ang mga miyembro ng QPIIB.
Tinalakay ang mga mahahalagang hakbang upang patuloy na mapalakas ang pagpasok ng mga investors at mapalago ang lokal na ekonomiya ng lalawigan.
Isa sa mga pangunahing agenda sa pagpupulong ang pagtalakay sa mga iminungkahing amenda sa Quezon Provincial Investment and Incentives Code (QPIIC), kabilang na ang pagkakaroon ng Quezon Association of Local Economic Development and Investment Promotions Officers upang higit pang mapalakas ang mga inisyatiba sa pamumuhunan sa lalawigan.
Bukod dito, inilahad din sa pagpupulong ang mga naisakatuparang gawain, programa, at proyekto ng Quezon Provincial Economic Development and Investment Promotions Unit sa pamumuno ni EnP Emmanuel Querubin, noong taong 2025 na nakatuon sa pagpapalakas ng investment promotion sa lalawigan.
Kabilang dito ang aktibong pakikilahok ng lalawigan sa Arangkada Philippines Investment Forum noong Setyembre 2025, na nagsilbing mahalagang plataporma upang maipakita ang mga potensyal na oportunidad sa pamumuhunan sa Quezon sa harap ng mga lokal at internasyonal na negosyante.
Gayundin ang matagumpay na pagsasagawa ng Quezon Business Awards noong Nobyembre, kung saan kinilala at pinarangalan ang mga natatanging business owners at mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa lalawigan na nagpakita ng kahusayan at malaking ambag sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews

