Isang simple ngunit makabuluhang seremonya ang isinagawa ng iba't ibang mga opisyal sa lalawigan ng Laguna upang gunitain ang ika-128 taong kamatayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal nitong Lunes, December 30, 2024.
Pinangunahan nina Laguna Governor Ramil Hernandez; Vice Governor Atty. Karen Agapay; Calamba City Mayor Roseller "Ross" Rizal, Calamba City Representative Charisse "Cha" Hernandez-Alcantara, mga kaanak ni Rizal, at iba pang mga opisyal ang seremonya na ginanap sa Rizal Shrine.
Sa ilalim ng tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Rizal sa Bagong Pilipinas: Buhay at Aral Aming Nilalandas,” isa itong paalala sa sambayanang Pilipino ng kanyang kagitingan upang makamit ang kalayaan ng ating bansa, kung saan ang kanyang mga mga aral ay karapat-dapat na tularan tungo sa isang mapayapa at magandang bukas.
Sa isang pahayag, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na ang pag-aalay ni Rizal ng kanyang buhay ang nagsilbing pag-asa na makalaya ang Pilipinas, kalayaan na tinatamasa natin hanggang sa kasalukuyan.
"Ang kanyang ipinamalas na katapangan at mga hangarin ay nagpapaalala sa atin na dapat siyang bigyang pugay at ipagpatuloy ang pagmamahal sa bayan," dagdag pa nito.
Samantala, binanggit ni Mayor Rizal na si Rizal ay nananatiling "sagisag, kaliwanagan at inspirasyon" hindi lamang para sa mga Calambeño kundi pati na rin sa lahat ng Pilipino.
"Iyan din ang dahilan kung bakit taon-taon ay nag-aalay tayo ng bulaklak at nagtitipon katulad nito, bilang ating mga kababayan, kay Dr. Jose Rizal tayo humuhugot ng inspirasyon sa maraming bahagi ng ating buhay,” pahayag ng punong-lungsod.
Sa nasabing seremonya, inanunsyo rin ni Representative Hernandez-Alcantara na pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 11115 na nagdedeklara sa Rizal Street at F. Mercado Street, kung saan matatagpuan ang Rizal Shrine, bilang isang “Historical and Cultural District.”
Sa ilalim ng naturang panukalang-batas na sinuportahan din ni Laguna 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez, inaatasan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT) na maglatag ng isang "tourism development plan" para sa nasabing lugar.
Layunin nito na mapangalagaan ang yamang kultural at kasaysayan sa paligid ng Rizal Shrine, kung saan matatagpuan ang replica ng tahanan kung saan isinilang at lumaki ang pambansang bayani.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #DOT #