Umaasa ang pamahalaang lungsod ng San Pablo, Laguna na muling mabubuhay ang makulay na kultura ng lungsod sa paglulunsad ng "Artstravaganza" nitong nakaraang Sabado, October 4.
Pinangunahan ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada, Jr., Tourism Officer for Special Projects An Mercado Alcantara at iba pang mga lokal na opisyal ang kick-off program ng "Artstravaganza" sa Fule-Malvar Mansion, na opisyal ring binansagan bilang isang Culture and Arts Center.
Tinanggap rin ni Gapangada ang Symbolic Key ng Fule-Malvar Mansion mula sa mga kinatawan ng pamilya Fule-Malvar na sina Jose Fule at Gabriel Malvar.
Nagpaabot ng pasasalamat sina Gapangada at Alcantara sa mga lokal na opsiyal at mga artista sa pagtataguyod ng naturang programa, na bahagi ng kampanya ng LGU upang muling pasiglahin ang sektor ng turismo sa lungsod.
Layunin ng Artstravaganza 2025 na ipakita ang masiglang sining at kultura ng San Pablo, gayundin ang pagtutulungan ng Pamahalaang Lokal at pribadong sektor upang higit na mapalakas ang pagkakakilanlan ng lungsod bilang “City of Arts” sa Timog Katagalugan.
Mula October 4 hanggang 30 ay magkakaroon ng sabayang exhibits, art shows at mga programang pangkultura sa mga kalahok na galleries na kinabibilangan ng Casa San Pablo, Color Commune, Sulyap Gallery, Art Corridor, Komikero Komiks Museum, Villa Escudero, Paraiso de Avedad, Verbena Gallery, at Lakehouse. Kabilang din ang Studio 88 ng Nagcarlan.
Magsasagawa rin ng Guided Art Circuit Tours tuwing weekend at iba pang espesyal na programa mula sa mga katuwang na institusyon at mga alagad ng sining.
Ang Fule-Malvar Mansion Culture and Arts Center ay magsisilbing bagong tahanan ng sining at kultura sa Lungsod ng San Pablo, na naglalayong maging sentro ng mga makasining na pagtatanghal, exhibit at edukasyong pangkultura.
(Ulat at larawan mula sa San Pablo City Information Office)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews