Nauwi sa sunog ang umano'y pagbabakal ng isang lalaki sa likuran ng riles ng tren sa San Pedro City, Laguna Huwebes, May 9.
Ayon sa ulat ng San Pedro City Police Station, walong bahay ang natupok sa isang sunog sa likod ng isang drugstore at kahilera ng right-of-way ng Philippine National Railways (PNR) sa Barangay Nueva bandang 9:00 ng umaga.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nagtutunaw umano ng mga bakal na kable ng charger ang isang alyas "Ricky" sa loob ng compound, ngunit hindi umano niya na-kontrol ang apoy dahilan upang kumalat ito sa iba pang mga kabahayan sa lugar.
Pawang gawa sa light materials ang mga bahay kaya't mabilis na kumalat ang apoy, bukod pa sa matinding init ng panahon.
Nabugbog rin umano si "Ricky" ng mga galit na kapitbahay bago siya itinurn-over sa mga awtoridad.
Nakadetine na sa San Pedro City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong arson.
#WeTakeAStand #OpinYon #LagunaNews #SanPedroCityPolice