Sa panahon ngayon na pataas nang pataas ang banta ng mga natural na kalamidad katulad ng mga bagyo, tiniyak ng Pag-IBIG Fund na handa sila sa pagtanggap ng karagdagang mga loan para sa mga miyembro nito na naapektuhan ng mga kalamidad.
Ito ang tiniyak ng mga opisyal ng Pag-IBIG sa "Kapihan sa Bagong Pilipinas" Forum ng Philippine Information Agency (PIA) sa Calamba City, Laguna noong nakaraang Martes, November 12.
Bilang sagot sa tanong ng OpinYon Laguna sa nasabing isyu, inihayag ni Mariza Santingyaman, Pag-IBIG Fund Southern Tagalog Acting Area Head, na kayang bunuin ng Pag-IBIG Fund ang inaasahang pagtaas sa mga kukuha ng housing loan bunsod na rin ng mga kalamidad gaya ng bagyo.
"Sa ngayon po, mayroon po tayong total assets na P1.02 trillion, so handang-handa po kami financially," ayon kay Santingyaman.
Kasabay ng pananalasa ng bagyong "Kristine" nitong nakaraang Oktubre, nagprovide ang ahensya ng calamity loans na may 5.95-percent interest rates para sa mga lugar na isinailalim sa State of Calamity, kabilang na ang lalawigan ng Laguna.
“Qualified members must apply within 90 days from the declaration of a state of calamity in their area,” ayon naman kay Pag-IBIG Acting Vice President for Home Lending Operations – Luzon Group Nanette Abilay.
Maaaring bayaran ang calamity loan sa loob ng 24 o hanggang 36 na buwan, habang at ipagpapaliban ang pagbabayad sa unang tatlong buwan matapos ang pag-apruba sa loan.
Gayundin, mayroon ring inilabas na housing loan insurance para sa mga Pag-IBIG mortgaged properties na nasira ng bagyo, habang maaari namang mag-apply ng moratorium sa pagbabayad ng housing loans ang mga miyembrong naapektuhan ni "Kristine" hanggang December 31, 2024.
Hinikayat rin ng mga opisyal ng Pag-IBIG ang mga miyembro at employer na mag-enrol na sa Virtual Pag-IBIG online portal upang mas madaling maka-avail ng mga serbisyo ng ahensya.
“Simply obtain your permanent Pag-IBIG Membership ID (MID) number, and you can access Pag-IBIG Fund services anytime, anywhere,” pahayag ni Abilay.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #PagIbig #KapihansaBagongPilipinas