Sinariwa ng mga Lagunense ang alaala ng Calambeñong bayani na si Brig. Gen. Vicente Lim nitong nakaraang Sabado, February 24.
Isang simpleng seremonya ang idinaos sa General Vicente Lim Birthplace Site and Historical Marker sa Calamba City upang ipagdiwang ang ika-136 taong kapanganakan ng bayaning Lagunense.
Dumalo sa nasabing selebrasyon ang ilang kaanak ni General Lim sa pangunguna ni Beatriz Pilar Lim, Calamba City Representative Cha Hernandez, mga opisyal ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), mga kinatawan ng pamahalaang lungsod ng Calamba, mga miyembro ng Veterans Federation of the Philippines, mga estudyante at guro, at mga civil society organizations sa lungsod.
Sa naging talumpati ni Lim, binigyang-halaga niya ang buhay na ala-ala ng bayani para sa mga kababayan nito sa Calamba, at sinabing mahalagang maisalin pa ito sa mga susunod na henerasyon sa pamamagitan ng pagkukwento ng kabayanihan at sakripisyo ng bayani noong digmaan.
Si General Lim, na ipinanganak sa Calamba City noong Pebrero 24, 1888, ay nakilala bilang isa sa mga magigiting na sundalong Pilipino noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano at Hapones sa Pilipinas.
Siya ang kauna-unahang Pilipino na nakapasok sa United States Military Academy sa West Point, New York, ang pangunahing paaralan ng mga nais lumahok sa United States military.
Isa siya sa mga nagtatag ng Boy Scouts of the Philippines at nanguna sa 41st Infantry Division ng Philippine Army na lumaban sa mga pwersa ng Hapones noong World War II. Siya ay dinakip at binitay ng mga Hapones sa Chinese Cemetery sa Maynila noong 1945.
Matatandaan rin na binatikos ng ilang mga kaanak ni Lim ang desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas na alisin ang larawan ni Lim (kasama sina Jose Abad Santos at Josefa Llanes-Escoda) sa bagong P1,000 na perang polymer noong 2022.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonLaguna #Calamba #VicenteLim