Ngayong panahon ng matinding init at uso na naman ang pasyalan sa iba't ibang mga ilog, talon at resort sa lalawigan ng Laguna, may mahigpit na babala ang mga awtoridad sa mga bakasyunista: bantayang maigi ang kanilang mga kasamahan, lalo na ang mga bata at matatanda.
Ito'y matapos makapagtala ng sunud-sunod na kaso ng pagkalunod ang mga awtoridad sa lalawigan sa nakalipas na mga araw.
Sa bayan ng Mabitac, isang 47-anyos na lalaki ang nalunod sa isang ilog sa Barangay Numero noong April 18, Biyernes Santo.
Nito lamang April 22 iniulat ng asawa ng biktima na kinilalang si alyas "Arman," 47 anyos at residente ng Barangay San Miguel ng nasabing lugar ang insidente.
Ayon sa salaysay ng asawa ni "Arman," nag-a-outing silang magkakamag-anak sa isang ilog sa Sitio Limbok, Barangay Numero nang magawi ang biktima sa malalim na bahagi ng ilog.
Maya-maya pa'y nakita niya ang kanyang asawa na kumakaway at humihingi ng tulong kaya't kaagad silang nagpunta sa dakong iyon ng ilog.
Gayunpaman, inabot ng 30 minuto bago nila narekober ang biktima mula sa ilog.
Isinugod pa sa isang ospital sa bayan ng Siniloan ang biktima ngunit idineklara rin siyang dead on arrival.
Isa pang insidente ng pagkalunod ang naitala ng mga awtoridad sa Balanac River sa Pagsanjan, Laguna noong April 19, Sabado de Gloria.
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews