P85 'flat water rate,' bineto sa Lucban
water services

P85 'flat water rate,' bineto sa Lucban

Apr 1, 2026, 3:45 AM
Annadel Gob

Annadel Gob

Writer

Ipinakita ng lokal na pamahalaan ng Lucban ang kanilang matibay na paninindigan sa makatarungan at abot-kayang serbisyo sa tubig sa pamamagitan ng opisyal na pag-veto sa Section 34 ng Kautusang Bayan Blg. 2026-06.

Ang nasabing probisyon na tinanggihan ng lokal na pamahalaan ay magpapataw sana ng flat rate na P85 para sa unang 10 cubic meter ng tubig sa nasabing bayan.


Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Lucban LGU na sinuri nito ang lahat ng anggulo upang tiyakin na ang bawat Lucbanin, lalo na ang mga kapus-palad, ay makatatanggap na patas na bayarin at kalidad ng serbisyo.


Ipinaliwanag ni Mayor Tenten Villaverde na ang pagpapataw ng flat rate ay maaaring magdulot ng hindi patas na pasanin sa mga pamilyang may mababang kita, dahil hindi nito isinasaalang-alang ang aktwal na konsumo at kakayahang magbayad ng bawat sektor.


Bukod dito, nabatid ng pamahalaan na hindi sapat ang naging konsultasyon at pag-aaral ukol sa panukalang singil, kaya’t hindi rin lubos na natukoy ang magiging epekto nito sa iba’t ibang sektor ng lipunan.


Idinagdag ng LGU na wala ring malinaw na mekanismo para sa regular na pagsusuri at pag-aadjust ng rates batay sa inflation at performance standards, na mahalaga upang mapanatili ang sustainability at kalidad ng serbisyo ng tubig sa Lucban.


Nilinaw din ng lokal na pamahalaan na ang veto ay tumutukoy lamang sa flat rate provision at hindi nakakaapekto sa iba pang bahagi ng ordinansa, na patuloy na magbibigay ng gabay sa pagpapaunlad ng serbisyo ng tubig sa bayan.


Sa halip, inihain ng LGU ang mga rekomendasyon para sa isang patas, konsultatibo, at transparent na sistema ng pagtakda ng singil.


Kabilang dito ang pagsasagawa ng komprehensibong pag-aaral sa cost-of-service at tariff, malawakang public consultation, pagbuo ng tiered rate system na poprotekta sa mahihirap na pamilya at magbibigay ng tamang pagkakaiba para sa residential, commercial, at institutional consumers, at paglalagay ng malinaw at transparent na proseso para sa regular na pagsusuri at pag-aadjust ng singil.


Tiniyak din ng LGU ang accountability sa paggamit ng lahat ng pondong malilikom mula sa water fees.


Ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na pagnanais ng lokal na pamahalaan ng Lucban na maghatid ng makabagong solusyon at serbisyong tunay na makatarungan at kapaki-pakinabang para sa lahat ng mamamayan.

#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews


We take a stand
OpinYon News logo

Designed and developed by Simmer Studios.

© 2026 OpinYon News. All rights reserved.