Timbog ang dalawang umano'y tulak ng droga sa isang buy-bust operation na isinagawa sa Calamba City, Laguna nitong nakaraang Martes, November 18.
Hindi na nakapalag sa mga tauhan ng Calamba City Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga suspek na kinilala lamang sa mga alyas na "Allan" at "Jerralyn.
" Nadakip ang dalawa sa magkasanib na operasyon na isinagawa ng mga awtoridad sa Purok 1, Barangay Parian ng nasabing lungsod noong gabi ng Martes.
Nasabat mula sa mga suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng 60 gramo ng pinaghihinalaang shabu, na may tinatayang market value na P407,000.
Kabilang din sa mga narekober mula kay alyas "Jerralyn" ang dalawang P500 na perang papel na ginamit bilang buy-bust money.
Ayon sa mga opisyal ng Calamba City Police, itinuturing na "high-value individual" si alyas "Allan" na matagal nang minamanmanan dahil sa pagkakasangkot nito sa bentahan ng iligal na droga sa naturang lungsod, habang itinuturing naman na "street level individual" ng kapulisan si alyas "Jerralyn."
Nakadetine na sa custodial facility ng Calamba City Police Station ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
(Ulat mula sa Regional Public Information Office, PRO 4)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews
