Isang senyales na ramdam na ramdam na talaga ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo: ang mahabang pila ng mga residente ng Lucena City sa P20-per-kilo na bigas na hatid ng National Food Authority (NFA).
Maaga pa lamang ay matiyaga nang pumipila ang mga Lucenahin, na karamihan ay mga senior citizen, sa NFA Quezon Branch upang makabili ng murang bigas.
Ayon sa NFA Quezon, pinapayagan ang bawat indibidwal na makabili ng mula 10 hanggang 30 kilo ng bigas, bilang bahagi ng programa ng pamahalaan na matulungan ang mga sektor na higit na nangangailangan.
Bukod sa mga senior citizen, kabilang din sa pinahihintulutang makabili ang mga magsasaka, mangingisda, solo parents, persons with disabilities (PWDs), minimum wage earners, at iba pang itinuturing na vulnerable sectors.
Ipinatupad ng NFA Quezon ang iskedyul ng bentahan para sa bawat sektor upang masiguro ang maayos na distribusyon at maiwasan ang siksikan sa lugar.
Patuloy namang umaasa ang mga benepisyaryo na magtutuloy-tuloy ang ganitong programa upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonNews #NFA

