Binisita ni Mayor Eric Africa at mga kasamahan mula sa Ospital ng Lipa at City Engineering’s Office ang ongoing renovation ng Lipa Hospital System II, at tiniyak nito na magbubukas na ito diumano bago matapos ang buwan ng Marso.
Kaugnay ng mithiin ni Mayor Eric Africa na isiguro ang libreng hospitalisasyon ng mga Lipeño sa pampublikong hospital, ay ang pangako niya na maisaayos ang hinaing ng mga Lipeño na nako-confine sa District Hospital sa Granja na dati ay may binabayadang doctor's fee.
Kadalasan pa ay sa Cityhall pupunta ang pamilya ng pasyente para sa medical assistance upang mailabas ang kanilang kapamilya sa dating District Hospital.
Ito ang dahilan sa pagnanais ni Mayor Eric Africa na hilingin sa pamhalaang lalawigan na ipaubaya na ang pagmamay-ari at pagpapatakbo ng District Hospital.
Bagama’t ikinagulat ni Gov. Hermilando Mandanas ang lakas ng loob ni Mayor Eric Africa, humanga siya sa layon nitong higit na mapabilis at maisaayos ang programang pangkalusugan.
Dahil dito, pinirmahan ng gobernador at inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang paglilipat ng District Hospital sa lungsod ng Lipa.
Samakatuwid, ang Lipa City government na ang nagmamay-ari at siyang namamanihala ng Operasyon ng Ospital na bahagi ng Lipa Hospital System.
Kaakibat nito ang paglalaan ng pondo para sa rehabilitasyon ng istrucktura at mga pangunahing gamot ng Ospital, ang karagdagang pondo para sa sweldo ng mga kawani ng pamahalaang lalawigan na ililipat sa Lipa bilang mga ganap na empleyado na ng pamahalaang lokal.
Kasabay nito, iniaatas ni Mayor Eric Africa kay Dra. Imelda Siasoco ang pagbibigay ng workshop integration ng mga bagong lipat na kawani para sa bagong sistema ng pagbibigay tugon sa mga lalapit sa Hospital.
Malaki ang pasasalamat ni Mayor Eric Africa sa pamahalaang panlalawigan sa pagtitiwalang ibinigay sa lungsod ng Lipa, na kauna-unahan sa kasaysayan ng pamahalaan.
Gayundin ang kanyang pagbibigay pagkilala sa Sangguniang Panlungsod at sa mga kawani ng pamahalaan at department heads sa pangunguna nina Dra. Imelda Siasoco, Geovanni Librea at Atty. Elsie Burgos na nanguna sa pagsasaayos nito.
Naniniwala si Maypr Eric Africa na ang buwis ng mamamayan ay higit na mapapakinabangan ng malawakan sa libre at maayos na serbisyong hospital lalo na sa panganganak at pangangalaga ng mga sanggol.
Ang nasabing Hospital System II ay nakalaan para sa mga kababaihan at mga bata.
Sa bawat kababaihan na nanganganak, malaking tulong ito dahil sa libreng ospital, operasyon at maging Caesarian or Normal delivery basta't nakapagpacheck up ng makatatlong beses at lehitimong Lipeño.
Gayundin ang libreng check up sa nanay at sanggol, libre din ang new born screening.
Inaasahan na sa darating na March 18, 2024 ang pagbubukas ng Hospital System II
Ospital para sa kababaihan ng Lipa, malapit nang matapos 2
(Ipinapakita kay Mayor Eric Africa (kaliwa) ni Dra. Imelda Siasoco ang ilang bahagi ng Lipa Hospital System II ang mga bahagi ng pagamutan na maayos na.)
#WeTakeAStand #OpinYon #OpinYonBatangas #HealthCare #BatangasLGU